Pilipino Star Ngayon : Samar, Biliran sinuyod ni BBM at UniTeam senatoriables

9 April 2022

By Joy Cantos | Pilipino Star Ngayon

BORONGAN CITY, Eastern Samar, Philippines — Sinuyod kahapon ng mga pambato sa halalan ng UniTeam sa pangunguna ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos ang Northern at Eastern Samar, at Biliran, kahapon.

Si Marcos kasama ang UniTeam senatorial candidates ay naglibot sa Eastern Visayas kung saan libu-libong supporters ang hindi inalintana ang ma­lakas na pagbuhos ng ulan sa pagdalo sa campaign rally na sumisigaw pa ng “BBM, BBM, panalo ka na, panalo ka na”.

Isang 95-anyos na Marcos loyalist na si Alejandro Duzon ay nakipagsiksikan sa campaign rally sa plaza ng Borongan City na sa kabila na basang-basa sa malakas na ulan ay naghintay para makita si Marcos. Pinasalamatan naman siya ni Marcos dahil sa patuloy na pagsuporta sa kanilang pamilya.

Nauna rito, sinuyod ni BBM at ng UniTeam senatorial candidates ang Catarman, Northern Samar. Mainit din silang sinalubong ng mga supporters sa University of Eastern Philippines (UEP) na alas-6 pa lamang ng umaga ay dumagsa na sa lugar sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan.

Si Northern Samar vice gubernatorial candidate Capo Carpio, dating mayor ng Catarman ang nagpakilala kay BBM at ipinaabot din ang mensahe ng pagkakaisa.

Sinabi ni Carpio na patuloy na nangunguna sa presidential survey si BBM. Nabigo namang makadalo sa campaign rally sa Eastern Visayas ang running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte.

Inihayag naman ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na kinatawan ng running mate ni Marcos na si Davao City Mayor Inday Sara na kailangang solidong iboto ng mga tao ang “BBM-Sara” upang magpatuloy ang mga programa ng administrasyong Duterte.