Pilipino Star Ngayon : Province-wide ride ng Bulacan-TODA isinagawa para sa BBM-Sara tandem

By Joy Cantos | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Mahigit sa 1,000 tricycle operators at drivers sa Bulacan ang nagsagawa ng province-wide ride bilang pagsuporta kina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ka-tandem na si vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte.

Ang nasabing okas­yon na tinawag na “Sabayang TODA Ride for BBM and Sara” ay inorganisa ni San Jose Del Monte City Rep. Florida P. Robes na lantarang masugid na sumusuporta sa BBM-Sara tandem at una nang nangako ng “overwhelming win” para kina Marcos at Duterte sa lungsod ng San Jose Del Monte ngayong May 9 polls.

Higit sa 1,000 kasapi mula sa iba’t ibang Tricycle and Operators Drivers Associations (TODA) sa Bulacan ang lumahok sa okasyon na isinagawa sa 24 na siyudad at munisipalidad sa buong lalawigan ng Bulacan na kinabibilangan ng SJDM, Norzagaray, Angat, San Miguel, San Ildefonso, Baliuag, Bustos, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Malolos, Hagonoy, Paombong, Guiguinto, Bulakan, Balagtas, Bocaue, Sta. Maria, Pandi, Marilao, Meycauayan, Obando.

Siniguro ng bawat TODA sa mga lumahok na syudad at munisipalidad ang pakikiisa ng lahat ng kanilang mga kasapi sa motorcade kung saan lumikha ng mahabang pila ng mga tricycle sa mga pangunahing kalsada.

Nagpahayag naman ni Robes ng lubos na pasasalamat sa matagumpay na kaganapan ng motorcade at sinabing ito ay isang pagpapakita ng tunay na pakikiisa at suporta sa panawagan para sa pagkakaisa ng BBM-Sara tandem.