Pilipino Star Ngayon : Problema sa Comelec registration

News & Interviews
22 May 2021

By Al G. Pedroche | Pilipino Star Ngayon

ISANG taon na lang at magaganap muli ang isang napa­kahalagang political exercise sa bansa na dapat lahukan ng lahat ng kuwalipikadong botante: ang 2022 Presidential Elections. Sana, walang aberyang maganap sa voters’ registration para sa mga bagong botante na pinanganga­siwaan ng Comelec.

May mangilan-ngilang kasong naiuulat tungkol sa mga rekisitos na hinahanap partikular sa mga kabataang nga­yon pa lang magpaparehistro. Mga requirements na noong araw ay hindi naman hinahanap. Isang email ang tinanggap ko mula sa avid reader at kaibigan mula sa Nueva Ecija na si Ferdinand Suba na nais kong bigyang daan. Ani Mr. Suba:

“Malapit na naman ang national at local elections kaya nagsisimula nang magparehistro ang mga kabataan upang makiisa sa pagboto sa darating na halalan sa susunod na taon. Nitong nakalipas na araw sinamahan ko ang aking­ mga kilalang kabataan upang magparehisto sa tanggapan ng Commission On Election (Comelec) sa aming bayan dito sa Nueva Ecija.

“Marami ang hindi nakapagparehistro dahil sa hinahanap na valid IDs katulad ng SSS, school ID, NBI clea­rance, PhilHealth, postal at iba pa.

Paano ang mga out of school youth na wala namang mga ID na nabanggit? Ang NBI clearance ay puwede na pero wala namang opisina ang NBI sa aming bayan.

“Kaya ang mga kabataan na ito ay malamang hindi na magpaparehistro. Dahil may pandemya, mas uunahin na muna ng kanilang pamilya ang kanilang sikmura. Noong nakalipas kasi, ang hinihingi ng Comelec ay birth certificate lang. Kaya sana sa mga opisyal ng Comelec, bigyan ninyo ng pagkakataon ang mga kabataang maralita na makapagparehistro at makasali sa Halalan 2022.”

Makarating nawa ang problemang ito sa pamunuan ng Comelec. Kung puwede nu’ng araw, bakit hindi tanggap ngayon ang birth certificate lang? Huwag sanang pabayaang ma-disenfranchise ang sinumang kuwalipikadong botante.