Pilipino Star Ngayon : PNP, 24/7 sa seguridad ng inagurasyon ni Marcos

18 June 2022

By Doris Franche | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Dalawang linggo na lamang bago ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos kaya puspusan na ang inspeksiyon at monitoring ng ­Philippine National Police (PNP) sa paligid ng National Museum kung saan ?24/7 ang kilos ng mga pulis sa bisinidad.

Ayon kay PNP Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon, inatasan niya ang Manila Police District na tiyaking walang nakakapasok sa lugar at higpitan ang monitoring at pagbabantay.

Una nang sinabi ng PNP na hindi papayagang makalapit sa National Museum ang hindi awtorisadong personalidad o grupo upang masiguro na magiging maayos ang inagurasyon ni Marcos.

Paliwanag ni De Leon, limitado lamang sa 1,200 ang kapasidad ng National Museum kaya kinokonsidera nila ang paglalagay ng malalaking LED TV screens sa iba’t ibang bahagi ng Maynila upang mapanood ng publiko ang inagurasyon.

Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng Golf Course sa Intramuros, Manila sa tapat ng National Museum, na may kapasidad na mahigit sa 10,000.

Samantala, sa inaugurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte sa Davao bukas, ganito rin aniya ang gagawin, kung saan anim na malalaking TV ang itinayo sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang ma de-congest ang inauguration site.