Join the campaign (Learn More)

Pilipino Star Ngayon : Panuklala vs 'substitution' sa kandidatong aatras ihahain this week sa Senado

News & Interviews
25 October 2021

By Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Nais na ring ipagbawal ng ilang senador ang "substitution" sa mga kandidatong aatras sa pagtakbo sa halalan, ayon sa isang mambabatas sa isang panayam sa media ngayong araw.

Nababatikos kasi sa ngayon ang pagfi-field ng ilang partido ng "placeholder candidates" na wala naman talagang planong tumakbo, bagay na nakakapagpahaba diumano sa deadline ng filing ng certificate of candidacy.

"The substitution rule has become a tool for political use and that’s not supposed to be. In fact me and a few other senators will file this week a [proposed] law that will remove… the withdrawal criteria," ani Sen. Sherwin Gatchalian sa panayam ng ANC, Lunes.

"That’s not the spirit of the law. And we will file a bill to remove that [withdrawal] so that it’s very clear so that there’s disqualification and probably death that will be allowed for substitution."

Sa ilalim ng Section 77 ng Omnibus Election Code, pinapayagan ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng isang "substitute candidate" kahit tapos na ang deadline ng filing sa tatlong dahilan:

  • pagkamatay ng orihinal na kandidato ng partido
  • diskwalipikasyon ng orihinal na kandidato ng partido
  • pag-atras ng orihinal na kandidato ng partido

Nagiging isyu ang nabanggit lalo na't nasa Section 69 din ng naturang batas na pwedeng ikansela ang COC ng isang "nuisance" candidate oras na mapatunayang wala talaga siyang tunay na planong kumandidato sa simula't simula pa lang.

Una nang sinabi ng sumusunod na 2022 presidential candidates na handa silang umatras o magpa-substitute oras na matripan ni Davao City Mayor Sara Duterte na kumandidato sa pagkapangulo:

  • Sen. Ronald "Bato" dela Rosa (PDP-Laban)
  • Anna Capela Velasco (Lakas-CMD)
  • Grepor Belgica (PDDS)

Una nang naghain ng counterpart bill sa Kamara pagdating dito sina House Deputy Speaker Rep. Rufus B. Rodriguez (House Bill 10380) at Makabayan bloc (HB 10387).

Una nang sinabi ni presidential aspirant Sen. Panfilo Lacson na pabor din siya sa ganitong panukala pagdating sa pinapayagan at pinagbabawalang substitution. Dagdag pa ni Gatchalian, layon nilang maipatupad ito hindi lang sa pambansa ngunit hanggang sa lokal na antas.

Deadline gustong pag-isahin

Bagama't hanggang ika-8 ng Oktubre lang ang deadline ng paghahain ng COC, pinapayagan ang substitution hanggang ika-15 ng Nobyembre.

Gayunpaman, sa batas, pwedeng magkaroon ng substitution hanggang tanghali ng mismong araw ng eleksyon.

"The deadline is supposed to be October 8 but with allowing substitution, in effect, [the deadline] is November 15," paliwanag pa ni Gatchalian.

"My view here is there should only be one, which is November 15... So let’s just make it November 15 and not prolong the agony of guessing who’s gonna file, who’s not gonna file... This is logical, in fact I don’t even know how come Comelec not just made it November 15, it’s common sense." — James Relativo