Pilipino Star Ngayon : Panawagan sa mga kritiko ‘Bigyan muna ng pagkakataon si BBM’

By Gemma Garcia | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., sa mga kritiko ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bigyan muna ng pagkakataon na pamunuan ang bansa sa loob ng anim na taon.

Sinabi ni Revilla na ang 31 milyong boto ay malinaw na pagpapahayag ng kagustuhan sa liderato at panawagang pagkakaisa ni Marcos.

Ito umano ang dahilan kaya dapat bigyan ng pagkakataon ang administrasyon ni Marcos at nakakalungkot din umano na hindi pa man nagsisimula ang termino nito na magsisimula sa Hunyo 30 ay mayroon nang iba na gustong mabigo ito sa pamumuno.

Hinikayat din ni Revilla, co-chairperson ng Lakas-CMD party na suportahan na lang ang liderato ni Marcos at simulan na ang pagkakaisa ng lahat.

Nasa crucial time umano ngayon ang bansa kaya dapat na magkaisa ang lahat at tigilan na ang mga awayan at sa halip ay suportahan ang lider at watawat ng bansa.

Ang pahayag ay ginawa ni Revilla matapos mapaulat na ilang pinoy sa Melbourne, Australia kung saan nagbabakasyon si Marcos at kanyang pamilya ang nagprotesta.