Pilipino Star Ngayon : Panalo ni BBM tiniyak ng political families

11 April 2022

By Joy Cantos | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa ang mga kinikilalang political families sa lalawigan ng Leyte upang tiyakin ang panalo ni presidential bet Ferdinand “Bong Bong” Marcos, Jr. at ng UniTeam Alliance sa darating na halalan sa Mayo.

Sa pagbisita ng UniTeam sa Ormoc City noong Sabado, nagkaisa ang maiimpluwensyang angkan na ibuhos ang suporta kay Marcos na tinaguriang “anak ng Leyte.” Ang pamilya ng ina ni Marcos na si dating unang ginang Imelda Marcos ay tubong Tacloban, Leyte.

Sa kabila ng masamang lagay ng panahon, tumulak ang UniTeam sa Ormoc upang makipag-pulong sa halos 500 local leaders na pinangungunahan ng pamilya Larrazabal, Codilla, Aviles, Fiel, Aparis, Mendoza, Pepito, Santiago, Tugunon at Chu. Bukod sa kanyang mensahe ng pagkakaisa, nagpasalamat si Marcos sa pagbuhos ng suporta ng mga Leyteño.

Ayon kay dating Comelec Commissioner Gregorio “Goyo” Larrazabal, kandidato pagka-kongresista sa ika-apat na distrito ng Leyte, buo ang kanilang suporta kay Marcos. “Itinuturing namin siyang kapamilya dahil tunay siyang anak ng Leyte,” diin niya.

Ani Larrazabal, nagdesisyon siyang sumabak sa pulitika upang isulong ang pagbabago at mga adbokasiya sa kanyang distrito. Kasama niyang tumatakbo bilang mayor ng Ormoc City si dating mayor Edward “Ondo” Codilla.