Pilipino Star Ngayon : Pagsusuot ng face mask, tuloy – Marcos

20 June 2022

By Gemma Garcia | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Umapela si President-elect Ferdinand Marcos Jr., sa publiko na ituloy ang pagsusuot ng face masks at sumunod pa rin sa iba pang health protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang apela sa publiko ay ginawa ni Marcos matapos na magbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng tumaas sa “severe and critical” cases ang COVID-19 sa Agosto dahil sa humihinang immunity mula sa coronavirus vaccine at pagkabawas sa minimum public health standards.

Kaya pakiusap niya na patuloy na isuot ang face masks at sumunod sa iba pang health standards para sa kaligtasan ng mga mahal sa buhay.

Giit din ni Marcos, kailangan ipagpatuloy ang pagsunod sa health protocols para mapigilan ang muling surge ng COVID-19 infections na posibleng maging dahilan para mahadlangang makarekober ang ekonomiya ng bansa.

Bukod pa rito kailangan na rin umano na makapagpa-booster shots dahil bumababa ang epekto ng una at ikalawang bakuna, kaya para mapalakas ang immunity ay dapat magpabooster din bilang dagdag proteksyon.

Magugunita na nagpalabas ang lokal na pamahalaan ng Cebu ng isang reso­lusyon tungkol sa optional na pagsusuot ng face mask.

Subalit ang nasabing direktiba ay hindi umano suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte.