By Malou Escudero | Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines — Pinulong kahapon ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga miyembro ng kanyang economic team sa pangunguna ni Finance Secretary-designate Benjamin Diokno.
Ayon sa Media Bureau ni Marcos, isinagawa ang meeting sa headquarters ni BBM sa Mandaluyong City.
Nabatid kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary-designate, Atty. Trixie Cruz-Angeles na inilatag ni Marcos sa nasabing meeting ang kanyang mga prayoridad at naglabas ng kautusan upang makabangon ang ekonomiya na matinding tinamaan ng COVID-19 pandemic.
“During the meeting, Marcos outlined his priorities and issued his marching orders that were mostly designed to tow the economy out of the woods after being severely battered by the still lingering Covid-19 pandemic,” nakasaad sa caption ng mga larawan na inilabas ng Media Bureau ni Marcos.
Nauna rito, inihayag ni Cruz-Angeles na wala pa silang mailalabas na karagdagang impormasyon tungkol sa gagawing inagurasyon ni Marcos sa Hunyo 30.
Nakatakda namang makipag-meeting kay Marcos si US Deputy Secretary of State Wendy Sherman sa sandaling bumisita ito sa Asia upang pag-usapan ang bilateral ties.