Pilipino Star Ngayon : Marcos kay Sara: Tutukan ang STEM Education

By Gemma Garcia | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Nais ni President-elect Bongbong Marcos Jr. ang pagpapabuti sa kalidad ng Science, Technology, Engineering and Mathema­tics (STEM) education ng susunod na mamumuno sa Department of Education (DepEd) na si Vice-pre­sident elect Sara Duterte-Carpio.

Sa vlog ni Marcos na ipinost sa kanyang FB account, sinang-ayunan niya ang komento ng isa niyang follower na ang gobyerno ay dapat na magdevelop ng mas maraming kabataan na bihasa sa science lalo na sa research and development.

Sinabi naman ni Marcos na parang nabasa ang kanyang isip dahil nakakalungkot na ang ating edukasyon pagdating sa mathematics at science ay nahuhuli na kumpara sa ibang bansa.

Kaya ang susunod na administrasyon lalo na sa DepEd ay dapat mas pagtuunan ng pansin ang STEM dahil ito ang kailangan natin ngayon.

Giit pa ni Marcos na mahalagang maitaas ang kalidad ng edukasyon lalo na sa nasabing mga subject dahil kailangan ng mga kabataang Filipino na makasabay sa fast advancement ng teknolohiya.

Lumalabas sa pag-aaral na ang Grade 4 student sa Pilipinas ay pinakamababa sa 58 countries na nag-participate sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) na nilabas noong Disyembre 2020.

Ito umano ang isang major areas na dapat tutukan ng DepEd at palakasin ang instructions para sa mga kabataan at mga estudyante.

Matatandaan na ti­nanggap ni Duterte-Carpio ang nominasyon sa kanya bilang susunod na DepEd secretary at umano’y kukunsulta kay Marcos kung ano ang nais nitong i-prioritized pagdating sa basic education.