Pilipino Star Ngayon : Magkapit-bisig para makalaya ang Pinas sa COVID-19 pandemic – Marcos

13 June 2022

By Gemma Garcia | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Sa paggunita ng Araw ng Kalayaan kahapon, umapela si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga mamamayang Pilipino na magkapit-bisig para palayain ang bansa mula sa COVID-19 pandemic at paghahati-hati sanhi ng “cancel culture.”

Sa Independence Day message na naka-post sa YouTube channel, sinabi ni Marcos na maaari itong makamit ng mga Filipino sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang katalinuhan at katapangan, mga kata­ngian, na ayon sa kanya ay naipasa ng kani-kanilang mga ninuno simula ng proklamasyon ng kalayaan mula sa Espanya (Spain) noong 1898.

Aniya, nakikipag-usap na siya sa mga eksperto hinggil sa plano para makamit ang kala­yaan mula sa COVID-19, partikular na para sa mga manggagawa at maliliit na negosyo na labis na naapektuhan ng pandemiya.

Bukod dito, makiki­pagtulungan umano ang incoming administration sa mga lider mula sa iba’t ibang bansa partikular na mula sa southeast Asian neighbors ng Pilipinas, upang matulungan ang bansa na maka-recover mula sa epekto ng COVID-19.

Noong nakaraang linggo, nakipagkita si Marcos sa ilang envoys mula sa mga member-countries ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN): Johariah Wahab ng Brunei, Phan Peuv ng Cambodia, Agus Widjojo ng Indonesia, Songkane Luangmuninthone ng Laos, Gerard Ho ng Singapore, Thawat Sumitmor ng Thailand, at Hoang Huy Chung ng Vietnam.