Pilipino Star Ngayon : Independent foreign policy ni Marcos irerespeto ng China

By Joy Cantos | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Inaasahang higit pang mapapalakas ang ­bilateral relations sa pagitan ng China at ng Pilipinas na magiging mabunga at makasaysayan sa ilalim ng pamumuno ni inco­ming President Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr.

Ito ang naging pagtaya ni Marcos matapos ang mahabang pakikipag-usap nito sa telepono kahapon kay Chinese President Xi Jinping na ipinaabot ang kaniyang pagbati sa pagwawagi ni Marcos.

Kasabay nito, nangako si Jinping na irerespeto at susuportahan ang ­incoming administration ni Marcos sa independent foreign policy nito.

Inihayag ni Marcos na nagkaroon sila ng pahap­yaw na pag-uusap ni Jinping kung paano pa mapapausad ang bilateral relations sa pagitan ng China at ng Pilipinas.

Sinabi ni Marcos na ang panukala ay mapaigting at mapalawak pa ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng bilateral trade o kalakalan gayundin sa kultura, edukasyon, kaalaman at maging sa isyu ng kalusugan.

“At sinabi ko sa kanya we must not allow what conflicts or difficulties we have now between our two countries to become historically important,” ayon kay Marcos.

Binanggit din ni Xi ang naging papel ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa pagbubukas ng diplomatic relations sa pagitan ng China at ng Pilipinas

“Sinabi naman niya, I know the part that your family played in the opening of relationships. Kaya sinabi ko the relationship between China and the Philippines is very, very important (not just) as a matter of foreign relations but also, there is an added facet because the opening of diplomatic relationships with People’s Republic of China and the Philippines as started by my father should continue to grow,” ani Marcos.