Pilipino Star Ngayon : Hindi ang panlabas na anyo

30 March 2022

By Atty. Ernest Maceda | Pilipino Star Ngayon

Sa mga kolehiyo at matataas na paaralan, umpisa na ng midterm exams. Sa pulitika naman, kahit paumpisa pa lang ang kampanyang lokal, ang mga kandidatong nasyonal ay nangahalahati na ang campaign period. Pabalik na sila mula sa pagpalaot at nagrerebisa na ng kanilang mga final push.

Mula umpisa ng kampanya sa pagka-pangulo ay luma­mang ng milya milya si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. o si BBM. Ang pagbandera ni BBM ay malaki ang kinalaman sa tenor ng kampanyang nagaganap. Imbes tuloy na sa isyu nag-focus ang mga mensahe ng presidential at vice presidential candidate, sa personal nauwi ang debate. Sa pagkatao mismo, kuwalipikasyon, public record at “criminal” record ni BBM at ang “bagahe” ring rekord ng kanyang ama.

Siyempre, hindi maiwasan na maging negatibo ang kan­yang mga katunggali. Dahil dito, mistulang paninirang puri ang laging lumalabas sa bibig ng kanyang mga ka­laban. Maging totoo man o hindi ang mga paratang, pag­duda­, pagkuwestiyon at paghamon, lumabas na negative campaigning ang kanilang pinagkakaabalahan.

Maaring kinalakihan ng Pinoy ang ganitong uri ng nega­tive campaigning, lalo na noong panahon na ang ating sistema ay two-parties lamang, ang Nacionalista at Liberal. Subalit sa panahon ngayon, mas higit na maraming Pinoy ang umaalma sa pulitika ng paninira. Mas bebenta na ang mensahe ng pagkakaisa. Kung hindi man ay mas katang­gap tanggap kung nakatutok sa isyu ang usapan at hindi sa personalidad.

Kung kaya hindi gaanong umeepekto sa lamang ni BBM ang ganitong uri ng pag-alipusta. Patuloy pa rin siyang bumabandera sa mga survey sa kabila ng halos pinagkaisang atake na ng mga kalaban.

Mas makakabuti sa lipunan at sa ating demokrasya kung plataporma at hindi personalan ang pagkaabalahan. Kung bira lang nang bira, baka imbes na mabawasan ang boto ng target mo ay madagdagan pa ito. Matalino ang botante. Hindi sila susuporta sa kandidatong hindi sila bilib sa pinaninindigan. Magkumbinsehan tayo sa nilalaman ng libro at hindi sa kung ano ang panlabas na anyo nito.