Pilipino Star Ngayon : Ferolino sa Comelec chief: Guanzon kastiguhin!

30 January 2022

By Ludy Bermudo | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Pinakakastigo ni Commission on Elections Commissioner Aimee Ferolino kay Comelec  chief Sheriff Abas si Comelec Commissioner Rowena Guanzon dahil sa ginawa nitong pagpapa-interview sa media tungkol sa pagboto niya pabor sa disqualification ni presidential candidate Bongbong Marcos, at pagsisiwalat din sa pangalan ng ponente gayung hindi pa lumalabas ang desisyon.

“Chair, as a Commissioner, I request that the appearance of Commissioner Guanzon before various media outlets and in social media sites be reviewed,” ani Ferolino sa liham.

“Her excitement and eagerness have taken over her that she may have forgotten the sub judice rule,” dagdag pa ni Ferolino.

Sinabi ni Ferolino na ang pagbubunyag na siya ang ponente sa kaso ay posibleng magdulot sa kaniya ng pressure mula sa iba’t-ibang personalidad at organisasyon na maaaring maging banta rin sa kaniyang seguridad.

Una nang ibinunyag ni Guanzon sa media na maaring may politician na nanggigipit kay Ferolino para iantala ang paglalabas ng desisyon sa consoolidated petitions sa disqualification laban kay Marcos.

Ipinaliwanag naman ni Ferolino na hindi niya ito dine-delay dahil 12 araw pa lamang naman aniya, ang nakalipas simula ng last pleadings na ipinadala sa kaniyang opisina.

“What really happened here is undue rush. I have been bombarded with so many texts and Viber messages on when the resolution will be out every single day since the Marcos case was raffled to my office,” ani Ferolino.

Inakusahan niya rin si Guanzon na iniimpluwensyahan siya sa pagdedesisyon sa pamamagitan ng pagpapadala sa kaniya ng kopya ng separate opinion sa Marcos disqualification.

Pinabulaanan din ni Ferolino na may naging kasunduan sa mga komisyuner ng First Division na kailangang ilabas ang desisyon ng Enero 17, 2022.

Sa memorandum kay Ferolino na may petsa nitong Biyernes, nanindigan si Guanzon  na napagkasunduan nilang mga commissioner sa First Division na dapat na iponente na ni Ferolino at isumite na ito ng Enero 17.