Pilipino Star Ngayon : FB accounts ng maka-BBM, pinababaklas ng kampo ni Leni!

30 January 2022

By Non Alquitran | Pilipino Star Ngayon

Paulit-ulit na itinatatwa ni Presidential aspirant Bongbong Marcos na mayroon siyang troll farm sa social media na sumusulong ng kandidatura niya. Nagtataka kasi ang kalaban niya sa pulitika na hindi natitinag o steady lang ang survey rating ni BBM kahit sangkaterbang upak o akusasyon na ang ibinabato laban sa kanya. At ang suspetsa ng mga kalaban, may alaga si BBM na troll farm dahil sa sandamukal na posts na pabor sa kanya ang naglilipana sa social media. Sa TV interviews, tinawanan lang ni BBM ang akusasyon tungkol sa troll farm sabay sabing apat lang ang miyembro ng social media team niya. Kung sandamakmak man ang supporters niya at ka-tandem sa Uniteam na si Sara Duterte-Carpio, maaring iilan dun ay kilala niya, subalit hindi nila saklaw ang galaw nila. Araguuyyyyy! Hak hak hak! Hayan, maliwanag pa sa sikat ng araw ang paliwanag ni BBM, ha mga kosa? Dipugaaaaa!

Subalit hindi naniniwala ang kampo ni VP Leni sa ­tinuran ni BBM at sa katunayan, sinabi ni senatorial aspirant Larry Gadon na nakipagpulong na ang sugo ng una para baklasin sa FB ang umano’y troll farm ni BBM. Ano ba ‘yan? Ayon kay Gadon, nakipagpulong ang kampo ni Leni kina Chris Kuzhuppily, Phlippine public policy manager ng FB; Roy Tan, ang politics and government outreach manager for Asia-Pacific, at Kyle Mooney, ng government, politics and advocacy partner manager, upang mapigil ang pagkakahumaling ng milyun-milyong FB users kay BBM. “Ito ang nakakatakot dahil lahat ng mga Facebook account na sumusuporta sa UniTeam ni BBM at Sara ay posibleng ma-suspend o mabaklas nang tuluyan dahil sa pag-uudyok ng kampo ni Leni gamit ang kathang-isip na akusasyon,” ani Gadon. ”Dahil sa dami ng bilang ng mga taga-suporta ng UniTeam via Facebook ay nais ng kampo ni Leni na burahin na rin ang FB pages ng supporters nina BBM at Sara, tulad ng ginawa nila sa Twitter accounts ng BBM supporters na sinasabing kanila ring ipasuspinde,” ang dagdag pa ni Gadon. Hak hak hak! Kung magawang ipasuspendi ng kampo ni Leni ang Twitter accounts ng maka-BBM, may posibilidad na isusunod nila ang FB accounts ng supporters? Dipugaaaaa!

Si Gadon mga kosa ay mahilig sumubaybay sa ­kaganapan sa pulitika sa FB at ilan sa mga kaibigan niya ang nagreport sa kanya na nais ng kampo ni Leni na masuspendi ang mga accounts ng BBM supporters bago ang May elections. May isang middleman pa umano na tumutulong sa kampo ni Leni para makausap ang FB officials sa US. Hak hak hak! Imbes na mabawasan ang supporters ni BBM, baka lalong tumaas pa ang survey rating niya dahil ang mga undecided ay papanig na sa kanya sa sobrang awa sa walang humpay na tirada ng mga katunggali niya laban sa kanya. Abangan!