Pilipino Star Ngayon : Envoys ng US, Japan, South Korea, India bumisita kay BBM

By Joy Cantos | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Ilang araw bago ang inaasahang proklamasyon, nag-courtesy call kay incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga envoys ng Estados Unidos, Japan, South Korea at India sa BBM Headquarters sa Manduyong City nitong Lunes.

Unang bumisita si Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa, alas-9 ng umaga na sinundan ni Ambassador Kim Inchul ng South Korea ganap na alas-10 ng umaga.

Bandang alas-11 naman ng dumating si Indian Ambassador Shambhu Kumaran at sumunod si US Chargé d’Affaires Heather Variava na nag-courtesy call rin bandang alas-12 ng tanghali.

Sa isang pribadong pakikipag-usap kay BBM, sinabi ng mga dayuhang opisyal na nais nilang patatagin ang ugnayan ng kanilang bansa sa Pilipinas sa larangan ng kalakalan, diplomasya at maging sa nagkakaisang interes sa demokrasya, pagbangon ng ekonomiya at iba pa.

Nangako rin ang mga envoys kay Marcos sa kahandaan ng mga itong magbigay ayuda sa bansa para sa patuloy na pagbangon sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic.

Tiniyak din ni Marcos sa mga kinatawan ng apat na mga bansa na itinuturing niya ang mga ito na kaibigan, kaalyado at mabuting mga ka-partner.

Una na ring nagpaabot ng pagbati kay Marcos ang mga lider ng iba pang mga bansa na kinabibilangan ng US, China, Russia, Japan, Australia, South Korea at maging ang European Union sa pagkapanalo nito sa katatapos na presidential election na may mahigit 31 milyong boto.