Pilipino Star Ngayon : Duterte sa mga Pinoy: Suportahan si Marcos

By Malou Escudero | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Hiniling ni outgoing President Rodrigo Duterte sa mga Filipino na magkasundo na at suportahan ang bagong nahalal na Pangulo ng bansa na si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ginawa ni Duterte ang panawagan sa kanyang regular na Talk to the People nitong Lunes ng gabi kung saan natalakay ang nalalapit na pagsasalin ng kapangyarihan kay Marcos sa Hunyo 30, 2022.

Ipinunto ni Duterte na mayroon ng bagong gobyerno at hinihiling niyang suportahan ng lahat ang mga bagong lider.

“I hope that everybody would come to terms with the reality that we have a new government and I urge my, kayo Filipinos, to rally behind and support the new leaders. We want the next administration successful,” ani Marcos.

Sinabi rin ni Duterte na dapat magkaisa na ang lahat sa pagharap sa mga hamong darating sa bansa at iwasan ang pamumulitika.

Kailangan aniya ni Marcos ng kooperasyon at tulong ng lahat.

“Kailangan ni Presi­dent-elect Marcos ang kooperasyon at tulong ng lahat. Dapat ibigay natin sa kanya,” ani Duterte.

Dapat din aniyang igalang ng publiko ang desisyon ng nakararami, dahil ito ang esensya ng demokrasya.

“Pag nagsalita na ‘yung taong bayan kung sino ‘yung mga leader na gusto nila, sunod tayo. Iwasan ninyo ang politika,” ani Duterte.

Mahalaga aniya ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagharap sa mga isyu tulad ng umiiral na krisis sa kalusugan ng COVID-19 at pagpapabilis nang paggaling pagkatapos ng pandemya.