Pilipino Star Ngayon : Duterte bilang drug czar, ok kay Marcos

By Malou Escudero | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Nakahanda si President-elect Ferdinand Marcos, Jr. na gawing drug czar si Pangulong Rodrigo Duterte kung gugustuhin nitong sumama sa kanyang administrasyon upang maipagpatuloy ang laban sa ilegal na droga.

Sinabi ni Marcos na bukas siya para sa lahat ng mga nais tumulong sa gobyerno.

Pero nilinaw niya na hindi pa nila napapag-usapan ni Duterte ang posibilidad na maging drug czar ito pagkababa niya sa puwesto.

“No, he has not, we have not talked about it. But I am open to anyone who is able to help in the government so matagal na kaming magkaibigan ni PRRD, noong mayor pa siya long long time ago,” ani Marcos.

Magsabi lamang umano sa kanya si Duterte ay tatanggapin niya ito.

“So I’m sure if he wants to play a part sasabihin naman niya sa akin, I am certainly open to that,” ani Marcos.

Inamin ni Marcos na bago mag-eleksiyon ay sinabihan siya ni Duterte na ipagpatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga.

“Ang napapag-usapan namin bago pa mag-election, basta itong mga bagay na ito ituloy mo, that is the request that is so important to him. Still, siyempre ‘yung kanyang priority is the anti-drug problem,” ani Marcos.

Binanggit din aniya ni Duterte na kawawa ang mga kabataan kung iiwanan ang laban sa ilegal na droga.

“Ang kanya sinasabi niya, one thing he was assertive about, ituloy ang anti-drug syndicate (sic) na sinimulan ko. Do it your own way. He really said that. Palitan mo… but ‘wag mong iiwanan ‘yan kasi kawawa ang kabataan natin. Talagang nasisira ang buhay nila,” ani Marcos.