Pilipino Star Ngayon : Bicol at Cordillera police, handa na sa programa ni BBM vs droga!

By Non Alquitran | Pilipino Star Ngayon

Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa anumang kautusan ni President-elect Bongbong Marcos patungkol sa droga. Hindi pa nga inanunsiyo ni BBM kung ano ang programa niya kontra droga, nagpa-drug test na sina Bicol director Brig. Gen. Mario Reyes at Cordillera director Brig. Gen. Ronald Lee ng kani-kanilang tauhan. Ibinunyag kasi ni BBM na bago pa man ang May 9 election, palagi na siya ang ina-update ni President Digong ng kung anu-anong programa sa administration niya, subalit ang mahigpit na ibinilin ay ang pagpatuloy ang pagsugpo sa droga.

Ipinangako kasi ni President Digong na pupulbusin n’ya ang droga sa bansa sa loob ng anim na buwan kaya lang patapos na ang six years niya ay nandiyan pa rin ang shabu at iba pa. Ang programa vs droga ni President Digong ay naging kontrobersiyal at nakarating pa ang reklamo vs EJK sa International Criminal Court (ICC). Ayon kay President Digong bahala na si BBM kung ano ang pamamaraan na i-employ niya laban sa droga basta ipagpatuloy lang niya ito dahil sinisira nito ang kinabukasan ng kabataan. Mismooooo! Hak hak hak!

Kaya tiyak ang kasunod na PNP chief ay sagradong bata ni BBM dahil s’ya ang magiging timon sa patuloy na kampanya vs droga, di ba mga kosa? Hehehe! Malapit na ang sikuhan sa PNP. Dipugaaaaa!

Umabot sa 373 tauhan ni Gen. Reyes ang pumasailalim ng drug tests sa PRO5 headquarters sa Camp Simeon Ola sa Legaspi City. Ayon kay Gen. Reyes, 56 sa kanila ay mga opisyal, 304 ang enlisted personnel at 13 ang NUP. Sinabi pa ni PRO5 director na ang drug testing ay magiging quarterly na dahil hindi lamang ang komunidad ang dapat malinis sa droga kundi maging ang hanay nila. Mismooooo! Hak hak hak! Nasa tamang landas ang ginawa ni Gen. Reyes.

Siyempre, hindi naman nagpahuli si Gen. Lee at ipinasailalim din sa unannounced drug test ang 241 niyang tauhan bilang bahagi ng PNP Internal Cleansing. Sa report ni Col. Nerino Daciego, chief ng RFU-Cor, 143 personnel ng PMFC, 31 tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Benguet PPO, 29 ng Abra PPO, 20 pulis sa Mountain Province at 18 naman ang sa Apayao PPO ang ipinasailalim sa drug tests. Natuwa naman sina Gen’s. Reyes at Lee dahil negatibo ang resulta ng drug tests ng kanilang mga tauhan. Dipugaaaaa! Handa nang makibaka ang Bicol at Cordillera police para tugunan ang kautusan ni BBM. Mismooooo!

Ang masama lang na balita ay may pulis na si S/Sgt. Igmedio Cristobal, ng RPHAU 6 sa Iloilo ay nahulihan ng 17 sachets ng shabu na nagkakahalagang P374,000 sa isang drug sting sa Aries St., VML Subd., North Fundidor, Molo, Iloilo. Sinayang ni Cristobal ang kanyang mataas na suweldo at kinabukasan ng kanyang pamilya dahil lamang sa kinang ng pitsa galing sa droga, di ba mga kosa? Aabutin ng sangkaterbang kamalasan si Cristobal at t’yak dismiss from the service ang ipapataw laban sa kanya. T’yak ‘yun! Dipugaaaaa! Hak hak hak! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Abangan!