Pilipino Star Ngayon : BBM, umangat pa sa 64% sa Laylo survey

28 April 2022

By Joy Cantos | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Mahigit isang linggo bago ganapin ang May 9, 2022 national election, na­panatili ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr., ang pag-angat sa kaniyang voter preference na umabot na sa 64 % base sa pinakahuling resulta ng Laylo Research pre-election survey.

Ito’y malapit sa target na 70% kung saan kapansin-pansin na tumaas ng 3% puntos ang voter preference para kay Marcos mula sa dating 61% noong Marso.

Dahil rito, nasa 43% puntos na ang kanyang lamang sa pinakamalapit na karibal na si Vice President Leni Robredo.

Nasa malayong panga­lawang puwesto si Robredo, na nakakuha ng 21% at sinundan nina Isko Domagoso at Sen. Manny Pacquiao, na nagtabla sa ikatlong puwesto na may tig-5%, at Sen. Ping Lacson na may 2 %.

Ang pambansang survey na nilahukan ng 3,000 rehistradong botante nay isinagawa mula Abril 14-20, 2022.

Dahil na rin sa magandang performance ni Marcos sa nasabing survey, naniniwala ang ilang ­eksperto na malaki ang posibilidad na malampasan niya ang 70% voter prefe­rence sa mga susunod na edisyon nito.