Join the campaign (Learn More)

Pilipino Star Ngayon : BBM-Sara Team nagpasalamat sa Quezon City LGU, mga taga-lungsod

News & Interviews
9 December 2021

By Angie dela Cruz | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Nagpapasalamat ang BBM-Sara UniTeam sa mga tulong na inihanda ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Quezon City Mayor Joy Belmonte para sa okas­yon na ginanap kahapon sa lungsod.

Sa opisyal na pahayag ni Atty. Victor Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni presidential aspirant Bongbong Marcos Jr., nagpupugay din ang tambalang BBM at Sara Duterte sa pakikiisa ng lahat na taga-lungsod Quezon, maging anuman ang kanilang paniniwalang pulitikal, sa nasabing pagtitipon.

Humingi rin ng paumanhin at pang-unawa ang BBM-Sara UniTeam sa mga motorista, biyahero, pamahalaang lungsod at maging sa MMDA kung ang nasabing Unity Caravan ay nagdulot ng pagsikip sa daloy ng trapiko.

Hindi po kasi inaasahan ng mga naghanda sa nasabing okasyon na ma-overwhelm pa rin ang kanilang masinop at malawak na preparasyon sa dagsa ng mga taga-suporta nina Bongbong at Sara na sabik na makiisa at makita ang kanilang mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente.

Muli, ang pasasalamat ng BBM-Sara UniTeam sa lahat ng kanilang taga-suporta, partikular sa Malayang QC Team nina Mike Defensor, na gumugol ng panahon at sariling resources upang mai­sabuhay ang inaasam ng tambalang Marcos-Duterte na pagbubuklod ng sambayanan na sinimulan na sa mara­ming lugar sa bansa sa pamamagitan ng Unity Caravan, na ngayon nga ay isinagawa sa lungsod Quezon.