Pilipino Star Ngayon : BBM humataw pa sa 57%; Isko naungusan si Leni

25 January 2022

By Mer Layson | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Nananatiling lamang ng malaki si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., matapos makakuha ng 57.67 porsyentong preference votes, sa survey ng research firm na Tangere sa buong bansa gamit ang mobile phone interview noong Enero 18-19, 2022 na may 2,400 respondents.

Nasa malayong pangalawa si Isko Moreno na nakakuha ng 16.75%, nakaungos ito ng isang porsyento kay Leni Robredo na nasa ikatlong pwesto na mayroong 15.08%.

Pang-apat si Panfilo Lacson, 4.71% habang pang-lima si Manny Pacquiao, 4.29%.

Tinanong ang mga respondents ng “kung ngayon gaganapin ang eleksyon, sino sa mga sumusunod ang iboboto mong pangulo” at pagkatapos ay ibinigay sa kanila ang mga pangalan ng kandidato sa pagka-pangulo na pagpipilian.

Sa vice presidential race, nangunguna pa rin si Inday Sara na nakakuha ng 53.17% preference votes na sinundan ni Tito Sotto, 19.42%; Willie Ong, 15.74% at Kiko Pangilinan, 5.96%.

Ang Tangere ay isang award-winnning na market research company na eksperto sa mobile application technology at social media engagement sa pagsasagawa ng survey at research.