Join the campaign (Learn More)

Pilipino Star Ngayon : BBM bayaang makatakbo

News & Interviews
10 January 2022

By AL G. Pederoche | Pilipino Star Ngayon

Sa halip na isulong ang sandamakmak na disqualification cases laban kay Presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos, pabayaan na lang siyang makatakbo at ang taumbayan ang magpapasya kung siya ay iluluklok bilang Pangulo ng bansa o hindi.

Kasi, ang mga sari-saring batikos at pagsasampa ng disqualification cases laban kay Marcos ay lalu lamang nagdaragdag sa simpatiya ng taumbayan para sa kanya. Nagiging underdog siya at alam naman natin na tayong mga Pilipino ay madalas kumakampi sa inaakala nating “inaapi” o underdog.

Sabi nga ng bantog na abogado na isa ring political analyst na si Tony La Viña, hindi maikakaila ang dami ng mga taong sumusuporta kay Marcos at ang mga hakbang para madiskuwalipika siya sa pagtakbo ay parang sinisiil ang karapatan ng tao na pumili ng kanilang kandidato.

Marami ang ayaw kay Marcos pero marami rin ang naniniwala at sumusuporta sa kanya. Kaya ang ano mang tangkang pigilan ang kanyang pagtakbo sa ano mang paraan ay magreresulta ng lalung pagkakahati-hati ng bansa.

May mga nagsasabi na masyadong maaga ang phenomenal rise sa approval rating ni Marcos at posibleng sa paglipas ng mga araw hanggang sumapit ang eleksyon sa Mayo, posibleng bababa rin ito. Kaya higit na mabuting maghintay na lang tayo sa mga susunod pang pangyayari.

Sa palagay ko lang, hangga‘t adversarial o palaban ang estilo ng oposisyon, lalung nabubuo ang impresyon ng tao na ito ay mahina at kailangan pang siraan ang kalaban.

Iyan ay isang estilo sa larangan ng ating politika na dapat baguhin upang ipakita sa daigdig na tayo ay politically mature na bilang mamamayan ng isang malayang bansa.