Pilipino Star Ngayon : BBM at Sara, front-runners pa rin sa Pulse Asia survey

7 April 2022

By Mer Layson | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ka-tandem na si First Daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio pa rin ang nananatiling frontrunners sa 2022 presidential at vice presidential race. Ito ay batay sa pre-election survey na isinagawa ng Pulse Asia Research Inc. mula Marso 17-21, na ang resulta ay inilabas lamang kahapon.

Ayon sa Pulse Asia, 56% ng mga botanteng Pinoy na lumahok sa survey ang nagsabi na iboboto nila si Marcos Jr..

Bahagya namang bumaba ang rating na nakuha ni Marcos Jr. mula sa dating 60% noong Pebrero 18-23.

Kasunod pa rin naman ni Marcos Jr. si Vice President Leni Robredo na nakakuha ng 24%, o pagtaas ng 9 puntos, mula sa dating 15% lamang.

Pumapangatlo si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso (8%), kasunod si Sen. Manny Pacquiao (6%) at Sen. Panfilo Lacson (2%).

Samantala, 56% ng mga Pinoy voters ang nagsabing pipiliin nila si Duterte-Carpio upang ihalal na susunod na bise presidente ng bansa. Ito ay pagtaas ng 3 puntos mula sa 53% rating noong Pebrero.

Nasa ikalawang puwesto si Senate President Vicente Sotto III (20%), Sen. Francis “Kiko” Pangilinan (15%), Dr. Willie Ong (5%) at Rep. Lito Atienza (1%). — Joy Cantos