Pilipino Star Ngayon : Away ng pula at dilaw sa Tarlac, tapos na

4 April 2022

By Mer Layson | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Tapos na ang away ng mga kulay sa Tarlac sa pagtuntong ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa lalawigan kasama ang kanyang UniTeam.

Ito ang inihayag ni Tarlac City Mayor Cristy Angeles na nagsabing simula na ang pagkakaisa.

Kilala ang Tarlac na balwarte ng pamil­ya Aquino simula pa noong panahon ni dating Senador Ninoy Aquino at asawang si dating Pa­ngulong Corazon Aquino. Pero ngayong tumapak si Marcos sa Tarlac ay pwede ng masabi na hindi lamang para sa mga Aquino ang naturang lalawigan.

“Alam po ninyo, history in the making po ito. Isang Marcos tumuntong dito sa lungsod ng Tarlac,” ayon kay Angeles, kasabay ng malakas at walang patid na sigawan ng mga taga-suporta ni BBM.

“Tapos na ang mga away ng mga kulay. Nandito tayo ngayon para magkaisa ng tunay.”

Kasabay nito, iginiit ni Angeles ang suporta ng kanyang lungsod kay Marcos at sa kanyang katambal na si Inday Sara Duterte kasama ang UniTeam dahil sa bitbit nitong pagkakaisa sa bansa.

Nanawagan din ang alkalde na kalimutan na ang awayan ng kulay sa nakaraan at isulong ang pagkakaisa hindi lamang sa kanilang lalawigan kundi sa buong bansa.