Join the campaign (Learn More)

Pilipino Mirror : PAGIGING MATATAG AT MATIBAY NG MGA WARAY DAPAT TULARAN NG COVID SURVIVOR: BONGBONG

News & Interviews
10 November 2021

By Pilipino Mirror

PINAPURIHAN ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang mga Waray sa pagiging matatag at matibay ng mga ito sa kabila ng pinakamabigat na pagsubok na dinanas nila.

Sinabi ito ni Marcos sa kanyang pagdalo sa paggunita ng ika-walong anibersaryo ng super typhoon Yolanda na tumama nanalasa sa Eastern Visayas kasabay nang panawagan sa mga tinamaan at nakaligtas sa pandemya dulot ng Covid-19 na dapat tularan ang pagiging matatag ng mga Waray.

“Dahil sa ginawa ninyo pagkatapos ng Yolanda, ang mga Waray ang itinuturo ngayon. Sinasabi pag malungkot masyado dahil sa pandemya, kako ‘wag kayong panghinaan ng loob. Gumaya lang kayo sa mga Waray na bumabangon ulit,” ayon kay Marcos

Idinagdag pa ni Marcos na ang ipinakita ring pagkakaisa ng mga Waray sa gitna ng pinakamabigat nilang pagsubok, ang dapat ding tularan ng bansa para mabilis na makabangon mula sa pandemya.

“Pero kagaya ng nangyari sa Yolanda, kahit ngayon ay humaharap ulit tayo sa isang krisis, basta tayo’y nagkakaisa, tayo’y nagmamahal sa kapwa, tayo’y tumutulong sa kapwa, babangon muli ang Pilipinas. Kagaya ng ginawa ninyo pagkatapos ng Yolanda,” ani Marcos.

Nagtungo rin si Marcos sa St. Francis Village matapos dumalo sa requiem mass sa Holy Cross Memorial Gardens para magbigay pugay at gunitain ang mga pumanaw na residente.

Pinangunahan naman ni Marcos ang pagbibigay ng mahigit 1, 000 gift packs, na may lamang mga kape, canned goods, bigas at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente sa permanent relocation site na itinayo sa Tacloban city.

Dinaluhan din ng dating senador ang wreath-laying sa Memorial Flame marker sa Astrodome kasabay din ng pagbisita sa isinasagawang mass vaccination sa naturang lugar.

Pinangunahan din ni Marcos ang mass oath-taking ng mga kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) kung saan si Marcos and standard-bearer.

Bago bumalik sa Maynila, iginiit ni Marcos na dahil sa tatag, pagkakaisa, sipag at pagtutulungan, muling nakabangon ang Leyte at iba pang probinsya sa Eastern Visayas mula sa bangungot ng bagyong Yolanda.

“Napakabigat naman ng tama talaga dahil napakalupit ng Yolanda…Hindi ko makakalimutan ‘yung nakita ko, sa buong buhay ko. I will never forget that…Syempre noong kabataan namin, nandito kami lagi pag summer. Dito kami nagbabakasyon. Pag-alis ni Yolanda, wala akong nakilala dito sa bayan ng Tacloban, ‘yung bahay nga namin hindi namin nahanap dahil talagang bagsak lahat. Talagang napakalungkot,” ayon kay Marcos.

“Naisip namin noon na maraming mahihirapan, dahil marami na ngang napinsala, marami ng namatay, e paaano babangon ito? Pero sa awa ng Diyos at sa sipag, sa pagbabayanihan at pagkakaisa, hindi lang ng mga Waray kung ‘di lahat ng Pilipino, para tulungan ang mga naging biktima, e dahil diyan nakikita naman natin na medyo maganda rin ang pagbalik at pagrehabilitate ng Region 8,” dagdag pa niya.

Si Marcos, na senador noong 2013, ay kabilang din sa nanguna sa rehabilitation at relief operation sa naturang rehiyon.