Pilipino Mirror : MGA TAGA-BACOLOD APRUB SA PANAWAGANG PAGKAKAISA NG UNITEAM

24 February 2022

By Pilipino Mirror

TODONG saya at mainit na tinanggap ng taga-Bacolod ang mensahe ng pagkakaisa na dala nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte nang dumalaw sila sa lalawigan nitong Miyerkoles.

Tinaguriang ‘City of Smiles’, napuno ang mga lansangan ng mga tagasuporta ng UniTeam na matiyaga at masayang naghintay upang masilayan at makadaupang-palad ang tambalan.

Ilan sa mga taga-suporta ay masayang isinigaw ang “Marcos Ibalik!” “Marcos Again!” “Marcos Muli!” na siyang narinig sa buong caravan na natapos sa loob ng apat na oras.

Ang mga pasaherong nasa loob ng bus at kanilang sariling mga sasakyan ay hindi napigilan ang kanilang mga sarili at sumali na din sa pagsalubong sa UniTeam.

Pati na rin ang mga fast food at mall workers ay lumabas upang batiin at masilip si Bongbong at Sara at ang UniTeam.

Kahit mga establisyimento na may mga nakataling pink na ribbon ay nakiiisa na rin at masayang lumabas at sumisigaw ng “BBM” habang dumadaan ang caravan ni Bongbong.

Natapos ang caravan na nagsimula sa Teresita Jalandoni Provincial Hospital, Silay City bandang alas siyete sa Bredco Port, Bacolod kung saan ginanap ang grand rally ng UniTeam.

Nagpasalamat si Negros Occidental Vice Governor Jeffrey Ferrer sa lahat ng taga-suporta na pumunta sa grand rally at naging dahilan kung bakit naging matagumpay ang naging pagtitipon.

Sumayaw at kumanta ang lahat ng patugtugin ang theme song ng UniTeam na “Bagong Lipunan”.

Nagpasalamat din si Bongbong sa mga taga-Bacolod City sa mainit nilang pagtanggap at ayon sa kanya ito ay patunay na ang kanilang panawagan ng pagkakaisa ay nakakarating na sa iba’t-ibang panig ng bansa.

“Alam ko ang ilan sa inyo matagal nag-antay kaya salamat sa pasensya ninyo. Ngunit sa aking palagay ay ito ang inyong pahayag ng suporta sa adhikain ng UniTeam — ang adhikain ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipinas,” wika niya.

“Kapag pinagsama-sama natin ang galing, ang husay, ang sipag ng bawat mamayang Pilipino na kumakapit bisig at humaharap sa lahat ng hamon na dumadating, napakatibay ng Republika ng Pilipinas, napakatibay ng Pilipino,” dagdag niya na sinalubong ng palakpakan at hiyawan.

Ayon kay Bongbong, marami pa ang kailangang gawin sa probinsiya, lalo na sa sektor ng agrikultura, MSMEs, enerhiya, imprastraktura, at kalusugan.

“Kanina kausap ko ‘yung ating mga sugar planters na napaka-importanteng bahagi ng agrikultura dito sa Negros Occidental at aming napag-usapan kung anong kailangan gawin,” sabi niya.

“Ngunit hindi lang agrikultura ang dapat nating tugunan. Kailangan din bigyan ng pagkakataon na makatulong sa maliliit na negosyante para makabalik na sila at dahan-dahan magdagdag ng trabaho sa ekonomiya. Kailangan na nating ayusin ang ating healthcare. Nakita naman natin nung dumating ang pandemiya, hirap na hirap tayo. Dagdagan po natin ang ating mga hospital, ibava natin ang serbisyo ng kalusugan sa taumbayan,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Bongbong na magpapatuloy ang UniTeam sa adhikain nitong pagkakaisa.