Pilipino Mirror : MARCOS BINATI NG INTERNATIONAL COMMUNITY

By Pilipino Mirror

BUMUHOS ang pagbati ng mga ambassador at mga lider mula sa maraming bansa kay president-in-waiting Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa pangunguna sa resulta ng 2022 national elections.

Batay sa partial and unofficial results ng Commission on Elections (Comelec) Transparency Media Server, si Marcos, ay nangunguna pa rin sa 31,079,568 boto.

Kinumpirma ng tagapagsalita at Chief-of-Staff ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na bumuhos ang mga mensahe ng pagbati para sa bagong administrasyon mula sa mga miyembro ng international diplomatic corps.

Kasama sa mga unang bumati kay Marcos ay sina Ambassadors Hajah Johariah binti Haji Wahab ng Brunei Darussalam, Ilan Fluss ng Israel, at F M Borhan Uddin ng Bangladesh.

Nauna rito ay inianunsiyo ng United States (US) State Department spokesman Ned Price sa media members sa Washington na hihilingin na mapalakas ang alyansa sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Idinagdag ni Price na wala rin silang nakikitang isyu sa pagsasagawa ng 2022 pambansang halalan sa Pilipinas at ito ay sumusunod sa mga internasyonal na pamantayan.

“What I can say from a technical standpoint is that we understand the casting and counting of votes to have been conducted in line with international standards and without significant incident,” dagdag ni Price.

Binati rin ng People’s Republic of China ang Pilipinas.

Ayon kay Zhao Lijian, China’s Foreign Ministry spokesperson, “China congratulates the Philippines on the smooth presidential election. Our congratulations also go to the leading candidates. We hope and believe that various political forces in the Philippines will continue to work in solidarity for national renewal and development.”

Kahapon naman sa kanilang Facebook page,pinuri ng EU Delegation to the Philippines ang pagdaraos ng “peaceful, free, and fair democratic elections.”

Ang Delegasyon ng EU sa Pilipinas ay nagpahayag din ng kanilang kahandaan “na makipagtulungan sa papasok na administrasyon para sa susunod na anim na taon at pagyamanin ang mas malapit na relasyon ng EU-Philippines.”

Hanggang ala-1:17 ng hapon, May 11, 2022, 98.26% ng election returns ang nabilang na kumakatawan sa 55,147,937 ng 67,442,616 registered voters.

Nakatakdang gumawa ng kasaysayan si Marcos bilang kauna-unahang mayorya na nahalal na pangulo mula nang gamitin ng bansa ang multi-party political system.