Pilipino Mirror : MAINGAT SI BBM SA PAGBUO NG KANYANG GABINETE

By Jera Sison | Pilipino Mirror

WALA pang pormal na proklamasyon si presumptive president Bongbong Marcos ngunit nagsimula na siya sa isang masusing proseso upang pumili na magbubuo ng miyembro ng kanyang gabinete.

Sa kasalukuyan, ang mga naanunsiyo ng kampo ni BBM bilang miyembro ng kanyang gabinete ay si dating MMDA chairman Benhur Abalos bilang kalihim ng DILG. Masasabing kwalipikado si Abalos sa nasabing puwesto. Naging matagal na Mayor ng Mandaluyong City at mambabatas si Abalos. Kaya alam niya ang mga isyu at problema ng mga lokal na pamahalaan.

Si Atty. Vic Rodriguez na chief of staff at spokesperson ni BBM ay ang susunod na Executive Secretary ng papasok na administrasyon. Hindi kataka-taka ito. Na kay Atty. Rodriguez ang talino, loyalidad at integridad upang pamunuan ang isang napakasensitibong posisyon sa Malacanang. Ang tawag din sa kanyang posisyon ay ‘The Little President’ dahil sa kanyang ahensiya dadaan ang lahat ng mga sensitibong dokumento, polisiya at administrative support na kinakailangan ng ating Pangulo.

Sumunod na inanunsiyo ay si dating mayor at mambabatas ng lalawigan na Cavite na si Jesus Crispin “Boying” Remulla. Sa mga hindi nakakaalam, si Remulla ay nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang kanyang kaalaman sa batas ay ipinakita sa mga debate at pagdinig sa mga ‘high profile issues’ sa Kongreso. Kaka-proklama pa lang niya bilang kongresista ng ika-7 distrito ng Cavite. Subalit noong inalok siya ni BBM upang pamunuan ang DOJ, inuuna niya ang bayan bago ang interes ng kanyang distrito.

Inanunsiyo rin kahapon ang pagtatalaga kina dating Labor chief Bienvenido Laguesma upang bumalik bilang kalihim ng DOLE. Samantang ang migrant worker advocate na si Susan “Toots” Ople ay pamumunuan ang bagong ahensiya ng gobyerno na Department of Migrant Workers. Marahil walang magku-kuwestyon sa pagpili ni BBM sa dalawang ito. Sa karanasan at kaalaman sa nasabing dalawang industriya, kung ating tatawagin ito, matayog ang kaalaman nila.

Personal na inanunsyo rin ni BBM na nais niyang ibalik at manungkulan muli sa bayan si Arsenio Balisacan upang mamuno ng National Economic Development Authority o NEDA. Matatandaan na si Balicasan ay dating nanilbihan sa gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino sa parehas na posisyon.

Sa hakbang na ginawa ni BBM, malinaw na walang kulay pulitika sa kanyang pagbubuo ng kanyang gabinete. May tiwala siya kay Balicasan sa kakayahan upang ayusin at iplano ang landas ng ekonomiya ng ating bansa sa ilalim ng termino ni BBM at sa mga hinaharap na taon. Mahalaga ito dahil nakikita ng ilan sa ating mga ekonomista na tataas ang inflation rate ng ating bansa sa mga susunod na taon dulot ng digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia na nakakaapekto sa global economy. Dagdag pa ruto ay ang pinsala na nagawa ng pandemya sa ating ekonomiya sa nakalipas na dalawang taon.

At ang pinakaunang itinalaga ni BBM sa kanyang gabinete ay si presumptive vice president Sara Duterte na mamumuno sa DepEd. Mahalaga ang mga susunod na hakbang ni VP Duterte sa kinabukasan ng edukasyon ng ating bansa. Ilan taon din na tumigil ang pag-aaral ng ating mga mag-aaral dulot ng pandemya. Nagsagawa ng online classes noon, subalit may mga estudyante na nahihirapan dahil sa kawalan ng internet at computer.

Magsisimula na ang tinatawag na face-to face classes. Malaking hamon ito sa DepEd at kung paano rin maproteksyunan ang kalusugan ng mga kabataan dahil hindi pa nawawala ang Covid-19 sa bansa.

Abangan natin sa mga susunod na araw kung sino pa ang mga itatalaga ni BBM sa kanyang gabinete. Sa hanay ng kanyang mga pinili, tila seryoso siya sa mga kinukuha niya upang umangat ang estado ng ating bansa.