Pilipino Mirror : (Hiling ni BBM sa IATF) PAYAGAN SILANG MAGSIMBA

News & Interviews
18 August 2021

By Rannie Lao | Pilipino Mirror

NANAWAGAN si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na luwagan ang mga restriction sa simbahan at iba pang bahay panambahan at payagan ang mga taong bakunado na ipahayag ang kanilang pananampalataya kahit nasa enhanced community quarantine period.

“Let them visit their places of worship as long as they follow the IATF-imposed minimum health protocol,” ang pahayag ni Marcos.

Ang panawagan ni Marcos ay matapos nitong malaman sa pakikipag-usap sa mga lider ng iba’t ibang simbahan na idinadaing ang kawalan ng konsultasyon ng gobyerno sa kanila bago isara ang kanilang simbahan o bahay panambahan.

Sinabi ni Marcos na dapat ay iniisip ng gobyerno ang pagiging deboto sa kanilang pananampalataya ang mga Pilipino at makatutulong sa kanilang kaisipan at makagagaan sa kanilang spirit kapag sila ay nagsimba o nakinig ng mga salitang Diyos at nanalangin.

“May sinasabi nga kami pati simbahan siguro, puwedeng buksan din. Basta vaccinated na, payagan ng pumunta sa simbahan o mosque, para manalangin o sumamba o anuman. It would be a big help to our well-being, pati na sa mental health ‘pag nakakasimba o nakakapunta sa simbahan,” sabi pa ng dating senador.

“Tayo pa naman dito sa Pilipinas, very devoted tayo e. Gaya nga ng sinabi ko kanina, may epekto sa mental health ito. Nakakatulong ‘yung nananalangin ka kahit paano. ‘Yung nakakasimba ka, nakakapunta ka sa simbahan, kahit papaano nakakagaan ng puso ‘yan e. Ang karaniwang Pilipino e hinahanap natin ‘yan,” dagdag pa nito.

Karamihan naman aniya sa mga simbahan ay malalawak ang espasyo na madaling isagawa ang social distancing.

Dahil sa ECQ noong nakaraang taon, ang religious activities ay idinadaos na lamang virtually upang maiwasan ang mass gatherings.

Nang paluwagin na ang mga restrictions, pinayagan ang ten percent hanggang 30 percent capacity sa mga simbahan, subalit muli silang isinara nang ipatupad muli ang ECQ.

Nang ipagbawal ang mass gathering noong Marso ay idinadaing ng Catholic bishops ang kawalan ng konsultasyon sa kanila, lalo na noong Holy Week kung kailan ipinagdiriwang ang ika-500 taong kumbersiyon ng bansa sa Kristiyanismo na ikinadismaya ng mga
Catholic faithful.

Hinimok ni Bishop Broderick Pabillo Pabillo ang gobyerno na konsultahin ang mga apektadong sektor sa paggawa ng mga polisiya tungkol sa mga ito.

Sinabi naman ni Caloocan Bishop Virgilio David na habang “locked down,” ang fitness centers ay pinapayagang mag- operate ng 70 percent capacity at 50 percent sa mga establisimyento para sa personal care services, kabilang ang spas.

Umaasa siya na payagan ng gobyerno ang kahit 20 to 30 percent capacity sa mga simbahan basta’t susunod sa strict protocol.