Pilipino Mirror : BONGBONG-RAFFY SA ‘PILIPINAS 2022’

News & Interviews
8 September 2021

By Pilipino Mirror

SA tagal ng panahon na alam ng lahat ang direksyon ng pagtakbo ni dating Senador Bongbong Marcos sa pinakamataas na posisyon sa bansa, ang maging ika-17 Pangulo ng Pilipinas, wala namang napapaulat na ka-tandem nito.

Habang ang mahusay na broadcast anchor at commentator na si Raffy Tulfo, na nangunguna sa mga survey pagka-senador, ay napipisil na mag-bise presidente imbes mag-senador pa.

Batay nga sa iba’t ibang vlogs, hinog na si Tulfo para maging bise presidente lalo na’t napatunayan na ang magandang performance nito sa serbisyo-publiko.

Subalit ang pinakabagong iminumungkahi ng mga netizen at iba’t ibang vlogger ay mag-tandem na lamang ang dalawa, si Bongbong bilang pangulo at si Raffy bilang ikalawang pangulo sa 2022 polls.
Batay sa mga pahayag ng netizen, perfect match ang dalawa, kung performance at attitude ang pag-uusapan.

Nadagdagan pa ang posibilidad na “Bongbong-Raffy Tandem” batay na rin sa personal survey ng mga supporter nito at maging ang iba’t ibang independent polls, lumalabas na maraming botante ang gusto ang kanilang tambalan.

Ito ay dahil umano sa sawa na ang taumbayan sa iba’t ibang pakulo kapag kampanya, dahil mismong ang katangian at reputasyon na nina Marcos at Tulfo ang magsasalita para sa kanilang imahe na hinihintay ng taumbayan para mamuno sa bansa sa susunod na taon.