Pilipino Mirror : BBM, MAKIKIPAGTULUNGAN SA SIMBAHAN

13 June 2022

By Pilipino Mirror

NAGPAHAYAG ng kahandaan si President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na makipagtulungan sa Simbahang Katolika upang mas mapaunlad ang bansa at maiangat ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagkakaisa.

Sa isang panayam kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, sinabi nitong positibo ang kanilang pag-uusap para sa mas matibay na relasyon ng pamahalaan at simbahan.

“We had a very productive, encouraging and positive discussion and the president-elect assured me of his desire to collaborate, cooperate closely with the church and Holy See,” pahayag ni Archbishop Brown sa isang radyo.

Ayon sa arsobispo, bilang kinatawan ng Santo Papa sa bansa ay kasama ito sa mga nag-courtesy call sa bagong halal na pangulo.

Bumisita ang Papal Nuncio kay President-elect Marcos Jr. nitong June 10 kasama ang lima pang kinatawan mula sa iba pang mga bansa.

Una nang tiniyak ng Simbahang Katolika ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa pamahalaan para sa ikabubuti ng bawat mamamayan.

Ayon kay Caritas Philippines National director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo makikipagtulungan ito sa bagong administrasyon para sa programang tutugon sa karapatan at dignidad ng mamamayan, pagsusulong ng katotohanan at matapat na pamamahala.

Dalangin ng simbahan sa administrasyon ni President-elect Marcos Jr. ang tunay na paglilingkod batay sa katarungan, at pagtataguyod sa dignidad ng mamamayan. PAUL ROLDAN