Pilipino Mirror : (Apela ni Bongbong Marcos) PAGGAMIT NG FACE SHIELD GAWING OPTIONAL

News & Interviews
6 September 2021

By Rannie Lao | Pilipino Mirror

HINIMOK ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Inter-Agency Task Force on infectious disease na pag-aralan ang kanilang desisyon para sa mandatory na paggamit ng face shield sa paglabas ng bahay.

Ang pagsusuot ng face mask at face shield habang nasa pampublikong lugar lalo na sa loob ng malls at katulad na establisimyento ay kinakailangan bilang bahagi ng health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng Covid19.

Binigyang diin ni Marcos na ang mandatory use ng face shield ay hindi ineendorso ng international health organizations at mental health advocates.

Tanging sa Pilipinas lamang aniya ginawang compulsary ang paggamit ng face shield.

“Ayon sa mga eksperto, ang face shield ay proteksiyon para sa mga talsik ng mga biological fluid na maaaring may virus. Pero dahil may puwang sa gilid at sa ilalim nito, maaari pa rin makapasok sa ilong at bibig ang mga droplets na may virus. Isa pa, du’n sa open space o well-ventilated na lugar, mababa ang chance ng transmission,” pagbibigay diin pa ni Marcos.

Naalarma rin ang dating senador sa epekto sa ekolohiya ng pagdaragdag pa ng single-use plastic sa lumalalang polusyon ng bansa.

Ang ligtas at maayos na pagtatapon ng mga medical waste ay isa ring isyu na kailangang tutukan sa kasalukuyan. Nakararanas ng hirap sa pagkolekta ng basura dahil sa mga mahigpit na lockdown ang ilang mga lokal na pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Marcos na kahit ang advocates ng Greenpeace, isang non-governmental group para sa environment protection, ay nakikipagtulungan sa local executives para sa pagsusulong ng zero waste, partikular ang pagbabawas sa pagtatapon ng face masks at face shields, at iba pa.

Pinuna ni Marcos na ang “no face mask, no face shield, no entry” policy sa mga establismyento at malls ay grabeng nakaaapekto sa mga negosyo lalo na sa retail industry at napipigil nito ang unti-unting pagbawi ng ekonomiya.

“I believe wearing of face mask at all times while in public places and inside business establishment, including proper hand-washing, use of alcohol and physical distancing is enough adherence to health protocol,“ ayon pa sa dating senador.