People's Taliba : BBM-Sara UniTeam lalong lumakas sa pagsuporta ng partido ni PRRD

23 March 2022

By Ryan Ponce Pacpaco | People's Taliba

MAS lalo pang lumakas ang UniTeam sa pagsuporta ng PDP-Laban kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Agad namang nagpasalamat sina Marcos at ang running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagsuporta ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi III at kinabibilangan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“We are very grateful and happy to receive this much awaited and much hope for news. Malaking pasasalamat namin sa lahat ng kaibigan na kasapi ng PDP Laban sa kanilang ipinahayag na tiwala sa amin ni Inday Sara at sa buong UniTeam,” sabi ni Marcos sa panayam sa Tagaytay City kung saan ito nangangampanya ng pumutok ang balita.

Sinabi naman ni Duterte na “Appreciative ang UniTeam sa endorsement ng PDP-Laban kay Apo BBM.”

Ayon kay Marcos ang pagsuporta ng PDP-Laban ay lalong nagpalakas sa panawagan ng UniTeam na magkaisa at labanan ang mga sektor na ang gusto ay paglaban-labanin ang mga Pilipino.

“This is an important step in that regard. Maraming salamat sa PDP at sa lahat ng mga miyembro and I look forward to working with them. Magkakaibigan naman talaga kaming lahat, parang na-formalized na ang aming relasyon sa ating mga kaibigan, ang personal relationship with our friends in the PDP-Laban,” dagdag pa ni Marcos.

Naglabas ng resolusyon ang PDP-Laban Cusi faction upang ipahayag ang kanilang suporta kay Marcos na nakikita nito na magtataguyod sa mga nasimulang programa ng administrasyong Duterte.

Nauna ng inendorso ng PDP-Laban Cusi faction si Mayor Duterte na kandidato nito sa pagkabise presidente.