People's Taliba : BBM: Bawat boto mahalaga

2 April 2022

By Ryan Ponce Pacpaco | People's Taliba

PARA kay UniTeam presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bawat boto ay mahalaga kaya pinupuntahan nito kahit na malayo ang lugar.

Kahit na ginabi na ang pangangampanya nina Marcos at vice presidential candidate Sara Duterte sa Digos City, Davao del Sur noong Marso 31 ay tumulak pa rin ang presidential candidate sa Marawi City kinabukasan.

“Lahat mahalaga sa akin. Bawat boto mahalaga sa akin,” sabi ni Marcos na nagpasalamat sa mainit na pagtanggap sa UniTeam sa Marawi City.

Kitang-kita umano sa pagdagsa ng mga tagasuporta na lalong dumarami ang tumutugon sa panawagan ng UniTeam na magkaisa para sa muling pagbangon ng bansa.

Matapos ang kampanya sa Marawi ay bumiyahe si Marcos sa Bukidnon na 109.6 kilometro ang layo.

Sa kaparehong araw, si Duterte ay nangampanya naman sa Bataan at Antipolo City.