NET 25 : DAPAT IMBESTIGAHAN ANG MGA TELCO—BBM

News & Interviews
6 September 2021

By NET 25

Kinalampag ni dating Senador Bongbong Marcos ang National Telecommunications Commission (NTC) upang i-audit ang performance ng lahat ng telecommunication companies (telcos) at i-assess ang kalidad ng internet service.

Sa gitna ito ng agwat ng internet speed sa Pilipinas at ng totoong nararanasan ng mga guro at estudyante sa paggamit ng internet sa kanilang online classes.

Una nang iniulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na noong Hulyo naitala ang average download speeds para sa fixed broadband sa 71.17 megabits per second (Mbps) mula sa 66.55 Mbps noong Hunyo.

Umakyat naman ang mobile internet download speeds sa 33.69 Mbps noong Hulyo mula sa 32.84 Mbps noong Hunyo.

Umakyat na rin sa ika-63 mula sa 180 na bansa ang ranking ng Pilipinas sa fixed broadband at ika-72 sa 139 na bansa para sa mobile internet.

Sinabi ni Marcos na sa nakatakdang pagsisimula ng online classes dapat bantayan ng NTC ang performance ng mga telco.

Sa pag-aaral ng National Research Council of the Philippines, internet speeds at internet connectivity ang matinding pagsubok sa mga guro habang nagpapatupad ng distance learning.

Lumitaw din sa pag-aaral na mahigit 90 percent ng mga guro mula sa elementary, junior high school at senior high school ang hirap sa internet connectivity sa iba’t ibang rehiyon lalo na sa rural areas.