NET 25 : BATIKOS KAY TONI, SINAGOT NI BBM

News & Interviews
18 September 2021

By NET 25

Sinupalpal ni dating Senador Bongbong Marcos ang mga bumatikos sa panayam sa kaniya ng TV personality na si Toni Gonzaga.

Isang linggo matapos ilabas ni Gonzaga ang panayam sa kaniyang Youtube channel, kaliwa’t-kanang patutsada ang tinanggap niya sa social media mula sa mga kritiko ng pamilya Marcos.

“Kakaunti lang naman, wala namang nag-agree sa kanila [bashers], dahil nung kina-cancel siya, ang likes ng kaniyang FB live ay 10,000 pa lang. Nung inumpisahan siyang i-cancel, dumami, naging 200,000+. Kaya’t nakita natin, talagang suportado si Toni sa kaniyang ginagawa,” sambit ni Marcos sa isang radio interview.

“Pati yung subscriber niya dumami ng 100,000 dahil diyan sa gulo na dinala kay Toni Gonzaga,” dagdag pa niya.

Pinuri ni Marcos ang paraan ng pag-iinterbyu ni Gonzaga at sinabing mas mahusay pa nga ito kaysa ibang mga journalist.

“Bakit niyo naman ina-ano si Toni Gonzaga? She’s a vlogger. She’s not a journalist. Although, I have to say, she does a better job than some of the journalists,” sabi ni Marcos.

“Kung titingnan mo iyong mga interview niya, kasama na ako doon, naranasan ko, eh ang galing niya talagang makakuha ng impormasyon, ng background, ng kuwento tungkol sa tao, na hindi nakukuha ng iba.”

Ipinagngitngit ng mga bashers ang panayam ni Gonzaga sa dating senador kung saan inungkat muli ang mga usapin tungkol sa martial law sa panahon ng kaniyang ama na si dating pangulong Ferdinand Marcos.

Hindi umubra ang mga pambabatikos dahil pumalo na sa 4.5 milyong views ang interview at umani pa ng 465,000 likes.

“Hindi ako nagsisinungaling.”

Nanindigan ang dating senador na pawang katotohanan ang mga inihayag niya sa naturang panayam. Sinagot rin niya ang mga nagsasabing binabago niya ang kasaysayan ng bansa sa ginawang panayam.

“‘Di ‘wag niyong panoorin. Kung ayaw niyo yung sinasabi ko, ‘wag niyo kong panoorin. Hindi ako nagsisinungaling eh. Wala naman akong sinabi na kasinungalingan eh. Marami silang sinasabi alam ko kasinungalingan. Ako wala akong sinasabi na kasinungalingan. Kung ‘yun ang naging experience ko, ‘yun ang naging experience ko. That is my experience with my father, at sinabi ko, at ‘yan ang katotohanan.”

Para naman kay Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero, karapatan at kalayaan ni Gonzaga na kapanayamin ang kahit sinong naisin niya.

“Toni Gonzaga has the freedom & right to interview whomsoever she may want to in her platforms. Whether or not you agree with the interviewee or her is totally up to you because you too have the freedom & right to watch or not to watch or like/dislike…. #mychannelmyright”

Sa huli, hinimok ni Marcos ang mga Pilipino na huwag paghariin ang galit.

“Ang habol nga natin ay magkaisa, magtulungan tayong lahat, dahil nasa gitna tayo ng krisis.”