Journal News Online : Tama ang hindi pagsali ni Marcos sa debate

17 March 2022

By Marlon Purification | Journal News Online

TINULDUKAN na ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kung sasali ba siya sa Comelec debate na gaganapin sa darating sa Sabado, March 19.

Ayon kay Marcos, hindi siya sisipot dito at mas gusto na lang niyang makasalamuha ang taumbayan kaysa humarap sa isang debate na paulit-ulit din naman ang nagiging isyu at topic.

Bukod dito, may mga nauna na ring sinalihan si Marcos na debate – una ang DZRH ‘Ikaw Na Ba?’ presidential forum, gayundin ang 2022 Presidential Debate ng SMNI kung saan ay hindi naman sumali ang apat na presidentiables.

Ang maganda rito, sa halip na dumalo sa Comelec sponsored debate ngayong Sabado, may live-feed na lang sa SMNI Channel ang campaign rally ng BBM-Sara UniTeam sa Marikina City.

Ibig sabihin, magkakaroon ng ‘choices’ ang taumbayan kung sino ang papanoorin nila kung ang Comelec debate ng mga presidential candidates o ang UniTeam rally ba sa Marikina.

Dito rin malalaman kung sino ang may pinakamaraming views sa social media – kung si Marcos ba o ang debate na sasalihan nina Leni Robredo, Isko Moreno, Ping Lacson, Manny Pacquiao, Leody de Guzman at apat na iba pa.

Noon ko pa sinabi, kakaiba ang eleksiyon ngayon.

Bukod sa mayroon pa ring pandemya, higit na lumakas lalo ang kapangyarihan ng social media ngayon.

Mas naging garapal pa nga ang pagiging biased ng mainstream media sa kasalukuyan. Depende rin ito kung kanino ba nakapusta ang mainstream media kung yellow media ba sila o hindi!

Ang catch pa, binago ng media bureau at mga tactician ng BBM camp ang ‘political campaign landscape’ ngayong halalan.

Sa sobrang taas kasi ng ratings ni Marcos na naglalaro sa 50-60 percent sa lahat ng organikong survey firms, hindi na nito kailangan pang maghabol sa malalaking broadcast journalist.

Hindi niya kailangan ang publicity ng mga prominenteng mamamahayag sa bansa dahil kahit maliit na media persons lamang ang kausap ni BBM ngayon basta i-carry ito ng mga vlogger at i-share at i-post ng mga netizens, buhay na ang kampanya ni Marcos.

‘Phenomenal’ kasi ang kandidatura nito na marami ang nagsasabi na nasa guhit ng palad o itinadhana na kay BBM ang maging presidente ng Pilipinas.

Siya lamang din ang nakapagtala sa kasaysayan ng presidential elections na consistent na nasa 45 hanggang 65 percent ang nakukuyang ratings sa mga survey.

Ang propaganda ng mga kalaban ni Marcos ay duwag daw at wala itong alam kaya ayaw humarap sa debate.

Pero dahil magaling si Marcos, ayaw niyang patulan ang ‘narrative’ ng mga kalaban.

Ang masaklap, habang inaaway, sinisiraan at kinakawawa si Marcos ng mga kalaban, lalo lang itong napapamahal sa bayan. Para bang alam ng taumbayan na dahil bugbog na si Marcos, lalo silang nagiging mainit para ipakita ang kanilang suporta sa kanya.

Tulad ni Marcos, si Noynoy Aquino ay namili rin ng sinalihang presidential debate noong 2010. Umayaw ito sa pinakamalaking debate na inorganisa ng ABS-CBN.

At sa pagkakaalam ko, si Erap Estrada ay wala ring sinalihang debate noong taong 1998.

Noong mga panahong iyon kasi ay leading presidential candidate sila Noynoy at Erap sa kanilang kapanahunan. Kaya para hindi na sila mahanapan pa ng butas, hindi na sila sumali sa debate.

Ang tanong ay bakit pilit ng pilit ang dilawan na sumabak si Marcos sa debate ngayon samantalang ginawa rin ito ni Noynoy noon.

Sa ganang akin, isa lang ang ‘agenda’ ng mga kalaban ni Marcos kaya gusto nilang sumabak ito sa debate.

Kukuyugin nila ito saka hahanapan ng butas at pilit nilang titidusin para mapababa ang ratings nito.

Kumpiyansa ang mga hunghang na dilawan na makapapalo pa sa ratings si Leni na malayong mangyari. Una ang ginagawa nilang bayaran at mga hakot sa rally ngayon at ikalawa ay kaya raw nito umangat sa debate.

Hoy Lenlen, kung inaakala mong makukuha mo ang nangyaring senaryo noong 2016 kung saan ay mula sa mababang survey ay umangat si Rodrigo Duterte, malabo pa sa sabaw ng pusit para mangyari ito.

Si Digong ay may laman kausap at magaling magpatawa kaya nakuha nito ang simpatya ng masa.

Di tulad mo na daig pa ang malamig na lugaw!