Journal News Online : Pilipino sawa na sa maduming pulitika?

20 March 2022

By Erwin Tulfo | Journal News Online

SAWA na nga ba ang mga Pinoy sa batuhan ng putik o siraan ng mga kandidato tuwing sasapit ang halalan?

Base sa obserbasyon ng ilang political analysts, naniniwala sila na pagod na ang tao sa mga akusasyon o paninira ng isang pulitiko sa kapwa pulitiko o kandidato.

Isang halimbawa nga raw ay itong nangyayari kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sa kabila ng kaliwa’t-kanang batikos at akusasyon ng patong-patong na kaso, tila hindi na raw naririnig ng kanyang mga supporters.

Kapansin-pansin din daw na habang pinagtutulong-tulungan siyang gibain ng mga katunggali at mga grupo ay lalong lumalayo ang kanyang agwat sa mga surveys.

Pero kung ang mga matatanda ang tatanungin, iisa ang kanilang pananaw hinggil sa isyu kung bakit malayo ang kalamangan ni BBM sa mga kalaban kahit na samut-saring isyu na ang ipinupukol sa kanya.

Ayon kay “Tatang Melchor” isang retired Philippine Constabulary o PC sargeant, “tayong mga Pinoy ay laging kumakampi o “to the rescue agad” sa mga inaapi-api o pinagtutulungan, ganyan ang tingin namin kay BBM”.

Dagdag pa niya, “Isa ako na sumama kina (Fidel) Ramos at (Juan Ponce) Enrile sa kudeta nila kay President Marcos pero bakit isisi sa anak ang kasalanan nung ama”?

“Ang sa akin lang naman at iba pang BBM supporters, bakit hindi natin bigyan ng chance itong si BBM? Ilang Pangulo na ang niluklok natin sa pwesto na pawang kontra sa Martial Law pero may nangyari na ba na maganda sa ating bansa?,” tanong ni Tatay Melchor.

Nagagalit tuloy ang ilang presidential candidates at ng kanilang mga supporters sa mga survey groups sa patuloy na pag-alagwa ni BBM sa ratings.

Bayad daw at manipulado ang mga naglalabasang surveys kung saan nangunguna si Marcos Jr. Pero lingid sa kaalaman ng mga supporters ng ibang presidentiables, yung ilang naglabasan na survey kamakailan na mataas si Bongbong ay pa-survey ng ilang kandidato din.

Ito ang bulong sa akin ng isang empleyado na nagtatrabaho sa isa sa sikat na survey firms pero ayaw magpabanggit ng pangalan dahil baka masibak siya sa trabaho.

Kaya kung babalikan natin yung tanong na pagod na ba ang mga pinoy sa batuhan ng putik ng mga pulitiko ngayong halalan…walang duda na ayaw na ng mga tao ng mga intrigahan ng mga kandidato.

Kung ang mga eksperto ang tatanungin, mas gusto raw marinig ng tao sa kanilang kandidato kung papaano iaahon siya sa kahirapan at anong plano ng kandidato para sa kinabukasan ng kanyang pamilya at bayan.