Journal News Online : Miriam nakita qualities ng isang lider kay BBM

11 March 2022

By Ryan Ponce Pacpaco | Journal News Online

GINUNITA nitong Lunes ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff ret. Gen. Benjamin Defensor ang mga paulit-ulit na habilin ng kaniyang yumaong ate na si Senadora Miriam Defensor-Santiago hinggil sa mga katangian na kailangan para sa isang mahusay na magiging pangulo ng bansa.

Ginawa ni Defensor ang pag-alala sa mga bilin ng kapatid sa kaarawan ng kaniyang pagyao na kinabibilangan aniya na dapat ay matalino, magaling at masipag sa trabaho, mabait at may mabuting puso at tapat na hangarin para sa mga mamamayang Pilipino.

Kung matatandaan, si presidential bet Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang running mate ni Miriam noong tumakbo siya sa pagkapangulo noong 2016 national elections.

Sinabi ng dating heneral na malaki ang tiwala at bilib ang senadora kay Marcos dahil bukod sa matalino, magaling at masipag sa trabaho, mabait umano ito at may mabuting puso para sa mamamayang Pilipino.

“Kaya nga hindi namin puwedeng iwan si Marcos kasi hindi niya iniwan si Senator Miriam noong may sakit ang ate,” sabi pa ni Defensor.

Idineklara rin niya na bilang isang nakaupong government official ay hindi siya pinahihintulutan ng batas na direktang mag-endorso ng kaniyang napupusuang kandidato, subalit maari naman siyang magpahayag kung ano’ng katangian ang hinahanap niya.

Si Defensor ay kasalukuyang vice chairman ng Clark Development Corporation (CDC) at appointee ni Pangulong Duterte, at aniya ay napansin niyang bitbit ni Marcos ang mga adhikain ng kaniyang kapatid.

“Pareho ang programa ni Bongbong sa programa ng kapatid ko at alam ko, kung buhay man ang ate ko ngayon ipangangampanya niya para manalo si Marcos,” sabi pa ni Defensor.

Nang tanungin kung ano ang magiging mensahe nito sa mga estudyanteng humahanga kay Miriam, ang agad na isinagot nito ay: “Hinahangaan n’yo si Senator Miriam.

Pero ang hinahangaan nating senadora ay may paghanga at tiwala naman kay BBM bilang isang government official.”

“Ang message ni Miriam sa mga estudyante kung nandito siya is the same message that she has said many times ago. Kasi ang sinasabi nila ‘pag Marcos ‘yan magnanakaw ‘di ba? The sins of the father should not be blamed on the son. Wala namang alam si Bongbong sa Martial Law. That is an unfair comparison,” dagdag pa ni Defensor.

Ang pahayag na ito ni Defensor ay ginawa sa harap ng mistah na si PFP secretary-general ret. Gen. Thomson Lantion.

Sina Defensor at Lantion ay magkaklase sa Philippine Military Academy Class of 1969 at PFP ang opisyal na partido ngayon ni Marcos.

Dumalaw si Lantion kasama ang iba pang PFP officials sa Clark Freeport Zone sa Pampanga nitong Lunes ng gabi para sa isang briefing para kina Defensor at CDC president ret. Gen. Manny Gaerlan kung paano naging matagumpay at pinakamagaling na economic zone sa buong Pilipinas ang Clark ngayon.

Sinabi ni Lantion na bahagi ito sa programa ng kanilang partido upang malaman ang pulso ng iba’t ibang sektor, gayundin ang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa, katulad ng kalakaran sa CDC.

Sa kabilang dako, ipinagmalaki ni Gaerlan na sa kanilang administrasyon lamang nakapagtala ng P900 million na income ang CDC sa nakalipas na limang taon.

Hindi aniya umabot ang ganitong uri ng rekord sa mga nagdaang 23 taon.

“Bawal po sa amin ang mag-recommend ng kandidato pero isa lang po ang masasabi ko, nakita ko iyong mga interviews ni BBM and we’re aligned sa aming mga programs and strategic direction kung ano ang plataporma niya,” diin pa ni Defensor.