Journal News Online : Failure of elections niluluto?

By Erwin Tulfo | Journal News Online

KUNG HINDI maagapan, posibleng may malaking problemang kakaharapin ang ating bansa sa mismong araw ng halalan sa Mayo 9 dahil sa niluluto umanong “failure of elections” para lamang mapigilan na maupo ang namamayagpag sa karera sa pagka-pangulo na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Lahat ng paraan ay gagawin ng mga kalaban ni Marcos para lamang hindi ito mailuklok sa pwesto. Dahil hindi kayang pigilan at nakaamba na ang landslide victory ni Marcos sa kanyang mga kalaban, failure of elections na lamang umano ang nakikita nilang solusyon dito.

Lumabas sa mga ulat na ilang araw na lamang bago ang halalan, tumataas ang bilang ng mga nakakaka-problema at mga depektibong vote counting machines (VCMs) at servers.

Sinasabi na kung hindi ito agarang maaksyunan at patuloy na lumala ang problema ay posibleng ito ang maging dahilan para ideklara ang failure of elections.

Ang nakakahinala rito ay ang nakabibinging katahimikan ni Comelec Comm. Marlon Casquejo ukol sa isyu. Bilang commissioner na in-charge sa halalan, kaduda-duda ang tila pagbabalewala sa seryosong isyu ng naturang opisyal.

Ang isyu sa mga VCM at server ay dapat masagot agad para mabigyan ng katiyakan na maayos at malinis ang darating na halalan.

Dapat ay huwag manahimik si Comm. Casquejo para hindi siya paghinalaan ng publiko na kasabwat siya sa planong ito.

Kung talagang seryoso sila sa kanilang panawagan na malinis at tapat na halalan dapat ay huwag nilang hayaang mangyari ito.

Ayon sa mapapagkatiwalaang source, sa Estados Unidos pa ginawa ang pulong nitong Enero para lamang planuhin ang failure of elections matapos hindi mapigilan ang pamamayagpag ni Marcos sa mga survey.

Malaking kaguluhan ito kapag nagkataon. Nakatatakot ang posibleng mangyari kung sakaling matuloy ang kanilang masamang plano. Sigurado akong hindi papayag ang nakararami sa atin na hindi mapakinggan kung sino ang kanilang iboboto sa darating na halalan.

Tuwing eleksyon lamang nagiging pantay-pantay ang lahat. Walang mahirap, walang mayaman. Lahat ay bibigyan ng pagkakataon na makaboto at marinig ang ating boses.

Manatili tayong mapagmatyag at magbantay. Huwag nating hayaan na supilin ang ating karapatan na mamili ng ating pinuno.