Journal News Online : 2 pekeng BBM-Sara UniTeam supporters timbog sa scam

1 February 2022

By Marlon Purification | Journal News Online

SuspectNADAKIP ng mga elemento ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang nagpapakilalang supporters ng tambalang Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Davao Mayor Inday Sara Duterte para lamang mag-solicit ng multimillion -pesos gamit ang BBM-Sara UniTeam.

Kaugnay nito, sinabi ni CIDG chief Maj. Gen. Albert Ferro na kasabay ng pagkakaresto sa mga suspect na sina Reynaldo Llorin, 64; at Rolly Balazon, 53, kapwa residente ng Omicron Street, RT Gonzales Village, Quezon City ay inaaalam na rin nila kung ang mga ito ang nasa likod din ng sinasabing ulat ng assassination plot kay Marcos, Jr.

“Kasama yun (assassination plot) kasi alam niyo, kung tayo po ay nagbabasa sa various media outfit, sa tri-media, makikita natin na napakataas ng acceptance or awareness sa BBM- Sara. Hindi rin malayo na sila ay pagtangkaan na patayin kasi lamang na lamang sila so yun ay pwedeng masusi nating imbestigahan din kasi hindi naman pwedeng may patayan dito sa eleksiyon na ‘to,” sabi ni Ferro.

Samantala, dalawa pang kasamahan ng mga suspect ang nakatakas sa pulisya patuloy ngayong pinaghahanap ng mga awtoridad. Sila ay kinilalang sina Isidro Sososco, kagawad ng Bgy. Aurelio, San Jose, Dinagat Island at Ma. Buen Bajar Castillo na tumatakbo ngayong municipal councilor ng San Jose, Dinagat Island.

Nabatid na ginagamit ng mga suspect ang grupong Bangon Bagong Maharlika na umano’y kaalyadong organisasyon ng BBM-Sara UniTeam at Kilusang Bagong Lipunan (KBL).

Modus operandi ng grupo na mag-solicit sa mga independent candidates na mayoralty candidate sa mga probinsiya, saka papangakuan ng endorsement mula sa BBM-Sara UniTeam, kapalit ng ibibigay nilang halaga.

Kahit mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa labas ng bansa ay hinihingan din ng pera ng mga suspect na tinatayang aabot na sa milyon piso ang nakokolekta nilang pera.

Inaaalam pa ng mga awtoridad kung magkano na ang nalikom na pera ng mga suspect, ngunit ang tingin nila’y aabot na ito sa milyon.

“Alam mo naman pag ganitong presidential at national election, ang halaga ng ginugugol ng mga nagkakandidato ay napakalaki at ‘di natin pwedeng i-discount yung amount na pwedeng umabot sa ganung value, million siguro pwede pa,” sabi pa ni Ferro.

Nakakulong na sa CIDG Detention Cell habang inihahanda ang kasong estafa at paglabag sa PD 1564 o Solicitation Permit Law.

Nakuha sa kanila ang P1,000 marked bilang boodle money, solicitation letters, tarpaulin ng donation drive, BBM-Sara UniTeam fund letter, mga KBL membership forms, isang dry seal at listahan ng mga kandidatong mayor at mga contact numbers.

“Our PNP chief Gen. Dionardo Carlos has given this directive to go after this kind of modus operandi. Your CIDG will continue to go after unscrupulous individuals who threaten the sanctity of this coming election,” dagdag pa ni Ferro.