Join the campaign (Learn More)

DZAR 1026 : COMELEC, ibinasura ang petisyon na ideklarang nuisance candidate si BBM

News & Interviews
20 December 2021

By Melrose Manuel | DZAR 1026

Ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC) Second Division ang petisyong humihiling na ideklara si dating senador at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang nuisance candidate sa 2022 election.

Sa isang mensahe ni COMELEC Spokesperson James Jimenez, inihayag nito na ang naturang petisyon ay inihain ni Danilo Lihaylihay, na isa ring 2022 presidential aspirant.

Aniya, napagpasyahan ng 2nd division ng COMELEC na ang kandidatura ni Marcos ay hindi nabibilang o saklaw sa inihaing tatlong rason sa pagiging nuisance candidate nito.

Nabatid na sina COMELEC Second Division Presiding Commissioner Socorro Inting at Commissioner Antonio Kho Jr. ang lumagda sa resolusyon na nagbabasura sa naturang petisyon ni Lihaylihay.

Matatandaang si Marcos Jr. ang standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) para sa 2022 presidential elections at running mate niya si Davao City Mayor Sara Duterte, na anak ni Pang. Rodrigo Duterte.

Nabatid na bukod naman sa naturang petisyon, mayroon pang 6 na petisyong inihain sa COMELEC na humahamon sa presidential bid ni Marcos Jr., kabilang dito ang dalawa na humihiling na kanselahin ang kanyang certificate of candidacy (COC) at 4 na pawang disqualification cases.