DZAR 1026 : Bongbong Marcos, payag pumasok ang ICC team sa bansa ngunit bilang turista lang

26 January 2022

By Vhalery Divinagracia | DZAR 1026

Papayagang bumisita sa Pilipinas ang grupo mula sa International Criminal Court (ICC) ayon kay Bongbong Marcos sakaling manalo siya sa halalan.

Subalit binigyang-diin nito na bilang turista lang at hindi bilang imbestigador hinggil sa War-On-Drugs ng Duterte administration.

Ayon kay Bongbong, hindi na kailangang pumunta pa dito sa Pilipinas ang taga ICC para mag-imbestiga dahil functional naman ang korte ng bansa.

Aniya, maaari lang manghimasok ang ICC kung walang judiciary na nag-ooperate sa bansa, may pagkalugmok sa ekonomiya o kaya’y gyera.

Pang-iinsulto din ito ayon kay Marcos sa Pilipinas bilang malayang bansa.

Noong November 2021, nagpadala ng pormal na request ang bansa kay ICC Chief Prosecutor Karim Khan na isuspinde ang imbestigasyon hinggil sa umano’y extrajudicial killings ng War-On-Drugs.

Sinagot ito ni Khan at sinabihan ang pre-trial chamber ng ICC na temporaryong suspendido muna ang kanilang pag-iibestiga hinggil dito.