DZAR 1026 : Bongbong Marcos, hindi mapipilit na dumalo sa mga interview

24 January 2022

By Melrose Manuel | DZAR 1026

Hindi dapat pilitin ang mga kandidato na ayaw magpa-interview sa media.

Ito ang binigyang-linaw ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa kanyang programa sa Sonshine Radio.

Kaugnay ito sa hindi pagpaunlak ni presidential aspirant Bongbong Marcos sa imbitasyon na makapanayam ng brodkaster na si Jessica Soho.

Ayon kay Enrile, kung may kalayaan ang media, may kalayaan din na mamili ang mga kandidato kung kanino sila magpapainterview.

Dagdag pa ni Enrile, mayroon din daw kasing ibang interviewer na may ibang motibo, nararanasan na aniya niya ito bilang beteranog politiko.

Tinawag din ni Enrile na kalokohan ang mga paulit-ulit na pagtatanong kay marcos hinggil sa ipinatupad na Martial Law ng ama nito at sa umano’y pagnanakaw ng kanilang pamilya.

Giit ni Enrile, ang deklarasyon ng Martial Law sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay naaayon sa batas at hinamon pa ng beteranong senador ang sinuman na sampahan sila ng kaso hinggil sa pagpapatupad ng batas militar.

Ipinunto din ni Enrile na ang mga tanong na dapat ibato sa mga kandidato ay kung ano ang kanilang foreign policy lalo na ang posisyon ng bansa sakaling sumiklab ang gulo sa pagitan ng China at Amerika.

Bukod pa dito ay mahalaga din aniya na pag-usapan ng mga kandidato ang food security ng bansa, fuel security, at trabaho para sa mga Pilipino.