Join the campaign (Learn More)

DWIZ 882 : PAGBUBUKAS NG GLOBAL ECONOMY, PAGHANDAAN —BBM

News & Interviews
31 October 2021

By Gilbert Perdez | DWIZ 882

Inihayag ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na masusing pagpaplano ang kailangan upang maging handa ang bansa ngayong nagsisimula nang bumangon ang pandaigdigang ekonomiya mula sa krisis na dulot ng COVID-19.

Nakita ni Marcos  ang pangangailangan matapos magdesisyon ang gobyerno ng Australia na alisin na ang ban sa canned pineapple products na galing Pilipinas na aniya’y magandang development hindi lang para sa agrikultura kundi maging sa iba pang sektor.

“Eto na nagsisimula nang magbukas ang global economy, mabuti in this particular case nasabayan natin dahil may produkto tayong mai-export sa kanila (Australia). Dapat ang positioning natin sa iba’t ibang sector ng global economy ay ganyan din. Kapag nakapag-umpisa na sila, ready na dapat tayo na mag-trade, makipagnegosyo, makipagpartner, or magsupply sa kanila,” ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

Sinabi ni Marcos na ang ganitong istratehiya ay kasama sa kanyang “Tawid COVID, Beyond COVID” program na naglalayong makagawa ng mga hakbang kung paano makakatulong sa taumbayan at sa ekonomiya ng bansa habang nasa kalagitnaan at pagkatapos ng pandemya.

Kasama sa programa ang pagbuo ng mga istratehiya ukol sa pagbibigay solusyon sa mga problema ng iba’t ibang sektor gaya ng agrikultura, enerhiya, telecommunication, imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at iba pa.

“Lahat yan ay kailangan gawin para makasabay tayo sa development ng global economy,” dagdag pa ng dating senador.