Join the campaign (Learn More)

Daily Tribune : Survey ng Rappler, may daya?

News & Interviews
19 October 2021

By Daily Tribune

NAGING kontrobersiyal ang isinagawang survey ng online news site na Rappler matapos namang kuwestiyunin ng mga netizen ang tally nito kung saan pinaboran umano ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo at nababawasan naman ang boto ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Ito’y matapos na magsagawa ng online survey ang Rappler noong 7 Oktubre 2021 kung saan tinanong ang mga netizens kung sino ang iboboto nilang presidente sa halalan sa Mayo 2022.

Tinanong ang mga netizens ng “Who is your presidential bet for the 2022 polls?”

Sasagutin naman ng mga netizen ang survey sa pamamagitan ng mga emoji. Isang amused emoji ang boto para kay Sen. Panfilo Lacson, isang thumbs up sign naman para kay Manila Mayor Isko Moreno, isang heart emoji para kay Robredo, isang shocked emoji para kay Marcos Jr. at isang caring emoji naman para kay Sen. Manny Pacquiao.

Napansin naman ng isang netizen na hindi nagta-tally ang emoji para kay Marcos.

Napilitan namang alisin ng Rappler ang presidential survey nito sa Facebook matapos naman ang naging reaksyon ng mga netizen.

Humingi ng paumanhin ang Rappler at nagpaliwanag na tinanggal ang survey dahil hindi ito umano ayon sa kanilang layunin.

Dapat ipakita ng Rappler ang totoong resulta ng survey nito at hindi para paboran ang isang kandidato.

Bilang bahagi ng media, dapat ding magpakita ng pagiging neutral ng Rappler, kahit pa may kinakatigan itong isang kandidato.

Kung hindi naman maipakita ng Rappler na wala itong kinikilingan, mas maganda na wag na lang magsagawa ng survey.

Pabayaan na lamang ang mga Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) na magsagawa ng mga survey kaugnay ng paparating na halalan.