Daily Tribune : BONGBONG, TOP CHOICE SA SURVEY!

1 March 2022

By Kitoy Esguerra | Daily Tribune

Muli na namang dinomina ni dating senador at presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos ang isang survey na isinagawa ng OCTA Research na tinaguriang “Tugon ng Masa” survey.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nakakuha ng 55 percent preference votes si Marcos sa survey na isinagawa noong February 12 hanggang 17 kasabay nang paglunsad ng opisyal na campaign period para sa 2022 national at local elections.

Nasa 1,200 ang sumagot sa tanong na “If the election will be held today, who will you likely vote for as president?”

Nakakuha si Marcos ng 46 percent sa Metro Manila, 56 percent sa Balance Luzon, 47 percent sa Visayas at 65 percent sa Mindanao.

Kasunod ni Marcos si Vice President Leni Robredo na tumatakbo rin para sa pinakamataas na posisyon sa bansa na may 15 percent, habang si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso naman ay may 11 percent.

Sumunod si Senador Manny Pacquiao na may 10 percent at Senador Panfilo Lacson na may three percent.

Ayon kay David, mayroong 3 percent margin of error ang naturang survey.

Samantala, nagpasalamat naman ang kampo ni Marcos sa OCTA Research at sinabi nitong inilabas ng OCTA Research “ang totoong sentimyento ng mga mamamayan.”

“The latest Tugon ng Masa survey results of OCTA Research confirm that presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.’s direct way of communicating with the people on the ground truly works,” sabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez.

“Certainly, there is no substitute to showing up in person, in flesh and blood, just to be in the company of millions of individuals one wishes to serve,” dagdag niya.

Si Lacson naman, sinabing hindi niya iniintindi ang mga lumalabas na survey.

“Ako, hindi ako bothered. Hindi ako perturbed. I remain unperturbed dun sa mga survey results,” sabi ni Lacson.

“Kasi ang totoo lang na dapat tingnan natin e yung May 9 kasi kung papaniwalaan natin ang resulta ng mga survey, lahat kaming nakatayo kagabi talo. Yung wala doon ang panalo,” dagdag niya.

Kung matatandaan, nakakuha rin ng 60 percent si Marcos sa isang Pulse Asia survey habang si Robredo naman ay may 16 percent.

Sa vice presidential race naman, nangunguna pa rin si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na may 43 percent preference votes – 40 percent sa NCR, 24 percent sa Balance Luzon, 43 percent sa Visayas at 82 percent sa Mindanao.