Join the campaign (Learn More)

Bulgar Online : Nag-uulyanin ba si Carpio at bistadong namemersonal siya kay Marcos?

News & Interviews
7 November 2021

By Ka Ambo | Bulgar Online

KAYRAMING sumasawsaw sa isyu ng kandidatura ni dating Sen. Bongbong Marcos.

Lalo siyang nagiging popular!

◘◘◘

KAKAUNTI ang nakauunawa sa teknikalidad ng isyu.

Hindi sinasadya, naliligaw o inililigaw ang mga botante!

◘◘◘

DAPAT nating maunawaan na magkaiba ang “disqualification case” sa “cancellation of COC”.

Nagtataka tayo kung bakit inilabas ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa kanyang kolum sa isang pahayagan ang “disqualification case” na Comelec na isinampa noong Nobyembre 2!

◘◘◘

MALAKI ang pagkakaiba ng disqualification case kumpara sa petition to cancel or deny due course the certificate of candidacy.

Ang “petition to cancel” ay unang inihain ng grupo nina Ms. Fides Lim, asawa ni National Democratic Front (NDF) consultant Victor Ladlad.

◘◘◘

BATAY sa ‘landmark case’ ng Rosalinda A. Panera vs. Commission on Elections and Edgar Andanar, idineklara ng Supreme Court na: “a candidate is only liable for election offenses only upon the start of the election period.”

Malinaw ‘yan!

◘◘◘

ALAM ba ninyo na ang nagponente o nagsulat ng naturang desisyon ay mismo si Carpio nang tukuyin ang second sentence, third paragraph ng Section 15 ng Republic Act No. 8436 na: “Any person who files his certificate of candidacy within the (period of filing) shall only be considered as a candidate at the start of the campaign period for which he filed his certificate of candidacy.”

Malinaw kung gayun na, hangga’t hindi pa nag-uumpisa ang kampanya sa February 2022, wala pang dahilan magkaroon ng disqualification case.

Puwede o posible lamang na angkop na usapin ay ang petisyon sa kanselasyon ng COC.

◘◘◘

BAKIT kaya iginigiit ngayon ni Carpio ang DQ case ni BBM, gayung hindi pa ito karapat-dapat?

Hindi ba’t kontra ito sa naunang ruling ng Supreme Court na siya rin ang mismong pumonente?

◘◘◘

NAG-U-ULYANIN ba si Carpio at bistadong namemersonal siya kay Marcos dahil lantaran ang kanyang suporta sa kritiko ng administrasyong Duterte?

Mas mainam sana ay maging patas ang kanyang desisyon bilang mahistrado!

◘◘◘

SA panayam naman ng DZRH kay dating Justice Secretary Alberto Agra, professor ng Ateneo Law School, nilinaw nitong walang basehan at malabong umusad ang inihaing petisyon para kanselahin naman ang COC ni BBM.

Binigyang-diin ni Agra, na malinaw ang nakasaad sa Omnibus Election Code na kuwapikado at walang pagkukulang si Marcos sa pagsusumite nito ng COC.

◘◘◘

MALINAW sa Omnibus Election Code na kailangan hindi convicted.

Ang nakasaad sa batas kailangang sentenced, may final judgment of imprisonment.

◘◘◘

SINABI ni Agra na si Marcos ay hindi “sentenced to imprisonment”.

“Convicted siya to pay a fine,” paliwanag ni Agra.

◘◘◘

INAMIN ni Agra na hindi siya abogado ni Marcos o tagasuporta nito, pero base sa pag-analisa sa kaso, lumalabas na hindi tax evasion ang kaso ni Marcos.

Bagkus, ang kaso ay simpleng hindi lamang pagpa-file ng income tax return.

◘◘◘

ITINATADHANA sa batas na para makansela ang COC, kailangang mapatunayan itong nagkasala at parusahan ng mahigit 18 buwan na pagkakakulong at mapatunayan ito sa krimen na may kaugnayan sa moral turpitude.

“Moral turpitude kung medyo haling ka, bastos, immoral, talagang gusto mong mandaya o manggulang. Ang tanong ngayon ‘yun bang hindi pag-file ng income tax return ‘yun ba ay crime involving moral turpitude? Siyempre, hindi,” dagdag pa ng abogado.

◘◘◘

NILINAW ng abogado na wala pang final judgment sa kaso ni Marcos dahil hindi pa ito nakaabot sa Korte Suprema.

“Guilty siya (sa hindi pagpa-file ng ITR pero multa lang, walang imprisonment”, pagtatapos ng dating justice secretary.