Join the campaign (Learn More)

Bulgar Online : Dahil sa matinding trapiko sa QC... Kampo ng BBM-Sara UniTeam, nagsori

News & Interviews
8 December 2021

By Lolet Abania | Bulgar Online

Photo: Mars Santos

Humingi ng paumanhin ang kampo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong/BBM” Marcos Jr. sa publiko, partikular sa mga motorista at mga traffic enforcers na naapektuhan ng kanilang caravan, na ginanap sa Quezon City ngayong Miyerkules ng umaga.

Sa isang statement, ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na kahit na mismong mga organizers ng motorcade ay hindi inaasahan ang bulto ng mga tao na dumagsa sa Commonwealth Avenue para makiisa sa naturang caravan.

“Humihingi na rin ng paumanhin at pang-unawa ang BBM-Sara UniTeam sa mga motorista, biyahero, pamahalaang lungsod at maging sa MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) kung ang nasabing Unity Caravan ay nagdulot ng pagsikip sa daloy ng trapiko,” sabi ni Rodriguez.

Una nang nag-abiso ang Quezon City government sa mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta para maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko na idudulot ng nasabing political event.

Hanggang sa katanghalian ng Miyerkules, umabot sa humigit-kumulang sa 6,000 ang mga tao sa lugar, batay sa estimasyon ng Quezon City Police District. Kasama sa motorcade si vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte ni Marcos sa isang meet-and-greet event sa kahabaan ng eastbound lane ng Commonwealth Avenue, sa harap ng opisina ng Commission on Audit.

Nakasuot ng pula at berdeng shirts ang mga BBM-Sara supporters, kabilang na ang mga motorcycle riders, patungo sa highway upang ipakita ang pakikiisa para sa political aspirants sa 2022 elections.

Pinangunahan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, na tatakbo sa pagka-mayor ng Quezon City, ang grand caravan kasama ang kanyang running mate na si Councilor Winnie Castelo, House Majority Leader Martin Romualdez, at Quezon City lawmakers na sina Precious Castelo at Onyx Crisologo at si dating Quezon City Rep. Bingbong Crisologo.

Labis na nagpasalamat naman ang kampo ni Marcos sa Quezon City local government para sa pagbibigay nito ng assistance sa kanilang caravan kahit pa magkaiba ang kanilang mga pulitikal na paniniwala.

Si Marcos ang standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas habang ang kanyang running-mate na si Mayor Sara ay vice presidential aspirant ng Lakas-Christian Muslim Democrats, kung saan siya ang chairperson.